Hindi mawala-wala

K KA LANG? By Korina Sanchez

HINDI na talaga mawala-wala ang masamang imahe ng NAIA. Tumigil nga ang tanim-bala nang magpalit ang administrasyon sa NAIA, pero tila may ibang estilo naman para nakawan ang mga pasahero. Ninakawan ng mga alahas ang asawa ng foreign minister ng Turkey. Nadiskubre na lang na wala na ang lalagyan ng alahas nang makabalik na sa kanilang bansa. Dumalo sa bansa para sa katatapos na ASEAN ministerial meeting. Nakita naman ang lalagyan ng alahas sa locker ng isang baggage handler nang mag-inspeksyon ang mga otoridad. Apat ang sangkot sa pagnakaw sa bagahe, lahat mga baggage handler sa NAIA Terminal 1. Inaresto na sila.

Pero may garantiya ba ang pamunuan ng NAIA na hindi na mauulit? Bakit ba nakakanakaw ang mga taong ito sa mga bagahe? May mga susi o kagamitan sila para mabuksan ang mga bagahe? Wala bang nagbabantay? Wala bang mga CCTV para bantayan ang mga bagahe? Sigurado ako na hindi lang itong apat na magnanakaw ang nasa NAIA. Maghahanap lang ng ibang oportunidad ang mga hindi pa nahuhuli.

Kaya kung talagang seryoso ang pamunuan ng NAIA na ayusin ang imahe ng paliparan at bigyan ng proteksiyon ang mga pasahero, dapat kumilos na sila. Dagdagan ang mga nagbabantay. Dagdagan ang mga CCTV na pinatatakbo ng pribadong kumpanya. May pondo dapat ang NAIA dahil sa mga kinokolektang buwis at terminal fee. Kung kailangang palitan na ang mga kumpanya na nagtatrabaho para sa NAIA, palitan na. Kadalasan kapag alam na kasi lahat ng sistema at proseso ng paliparan, nahahanapan na ng paraan para ikutan ang mga ito at gumawa ng krimen.  

At kung pasahero naman na paalis o parating ng NAIA, gawin na rin ang lahat para maging ligtas mula sa mga magnanakaw. Kung may mga mahahalagang kagamitan, huwag na siguro ilagay sa check-in na bagahe. Kung kailangang balutan ng plastic ang bagahe, balutan. Gawin ang lahat para maging ligtas ang bagahe mula sa mga magnanakaw na hindi pa nahuhuli sa NAIA.

comments powered by Disqus

mofuse.com