EDITORYAL - Ano ang gagawin sa ginagawa ng China?

Inamin ni Pres. Rodrigo Duterte na wala siyang­ magagawa kung gumawa man ng istruk­tura o gusali ang China sa Panatag Shoal. Masyado ani­yang makapangyarihan ang China. Maski aniya­ ang United States ay hindi mapipigilan ang China sa anumang gagawin nito sa Panatag. Ang pahayag ay ginawa ng Presidente noong Linggo bago ang pagbisita niya sa Burma (Myanmar).

Ang pahayag ay ginawa ni Duterte makaraang maglabasan ang report na magtatayo ang China ng environmental monitoring system sa Panatag Shoal (tinatawag ding Scarborough Shoal) na matatagpuan sa Zambales. At ibinalik ng Presidente ang tanong sa mga reporter: “Ano ang gusto n’yong gawin ko, makipaggiyera sa China? Hindi ko magagawa yun. Mauubos ang ating military at pulis at masisira ang bansa.” Sa dakong huli sinabi ng Presidente, “Sasabihan ko ang mga Chinese na gawing open ang dagat huwag makipag-interfere sa ating Coast Guard.”

Kung ganito ang paninindigan ng Presidente sa ginagawa ng China sa teritoryo ng Pilipinas, hindi magtatagal at maaaring umabuso pa ang mga ito at baka hindi lamang monitoring system ang itayo sa mga pag-aari ng bansa. Hindi naman kailangang makipaggiyera sa China kundi sana ay makipag-usap siya nang masinsinan sa pinuno ng bansang itinuturing niyang kaibigan. Kung talagang kaibigan ang turing ng China sa Pilipinas, baka naman makinig sa kanya at huwag nang gumawa ng kung anu-anong istruktura na panghihimasok na sa pag-aari ng bansa. Malinaw na pag-aari ng Pilipinas ang Panatag pero mayroong balak ang China para rito.

Hindi magagawang makipaggiyera at mauubos daw ang mga sundalo at pulis at masisira ang bansa. Hindi ba’t maaaring masira rin ang bansa kung sakaling angkinin ito nang makapangyarihang China. Ano ba ang gagawin niya sakali’t lumubha pa ang pag-aangkin at lumala ang pang-aabuso?

comments powered by Disqus

mofuse.com