Walang Pagkukuhanan

K KA LANG? By Korina Sanchez

BAGO magsaya ang mga gurong pampubliko at estadong paaralan sa pahayag ni President Duterte kailan lang na nais niyang doblehin rin ang kanilang sahod tulad ng ginawa sa mga pulis at sundalo, makinig na muna sa miyembro ng gabinete niya na humahawak sa kaban ng bayan. Ayon kay Budget Sec. Benjamin Diokno, hindi prayoridad sa ngayon ang doblehin ang sahod ng mga guro, dahil maraming programa ng gobyerno ang kailangan tukuyin, katulad ng “build, build, build”. Ayon kay Diokno, kalahating trilyong piso ang kakailanganin para sa 600,000 guro ng mga pampublikong paaralan kung dodoblehin ang sahod. Nasa P500 bilyon ‘yan. Paano naman kaya ang mga ibang empleyado ng gob­yerno? Nasa isip ko rin ay mga nurse at doktor na nagtatrabaho sa mga ospital ng gobyerno.

Wala raw pagkukuhanan ng pera para sa umentong iyan, kontra sa pahayag ni Duterte na manggagaling sa pangalawang yugto ng pagbubuwis ng administras­yon. Pero wala daw kikitain ang gobyerno sa ikalawang yugtong ito, dahil may paglalaanan na. Kakausapin daw ni Diokno ang pangulo tungkol sa isyu na ito. Sa mada­ling salita, ipapakita ni Diokno na walang pagkukuhanan ng pondo. Sa mas madaling salita, hindi mabibigay ang ipinahayag ni Duterte.  

Pero ayon sa kanya, patutuparin pa rin ang pangatlong umento ng sahod ng mga guro na nilagdaan ni dating­ Pangulong Aquino noong 2016. Hanggang 2019 ang nilagdaang umento ni Aquino para sa mga guro. Sa ngayon ay mas mataas na raw ang sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan kumpara sa pribadong paaralan. Ganun ba?

Sa taong ito, dodoble na ang sahod ng mga bagitong pulis, o mga PO1, pati mga sundalo. Swerte nila, at sila ang unang binigyan ng prayoridad ng gobyerno na doblehin ang sahod. Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Ronald Gen. Dela Rosa, makakatanggap din ng umento sa sahod ang mga mas beteranong pulis, pero hindi raw doble. Prayoridad talaga ng administrasyon ang pulis at sundalo, hindi ba? Magkano naman kaya ang kinailangan para mapatupad ito? Pero dahil tumaas na nga ang kanilang mga sahod, dapat mas magtrabaho rin nang mabuti. At ano ang naging madalas na trabaho ng pulis nitong nakaraang isa’t kalahating taon?

comments powered by Disqus

mofuse.com