EDITORYAL - Binayad sa Sanofi dapat i-refund

image

SINUSPENDE na ng Department of Health (DOH) ang anti-dengue vaccination program makaraang aminin ng manufacturer ng Dengvaxia vaccine na magkakaroon ng malubhang sakit  ang sinumang mabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue. Nasa 733,000 school children sa maraming bahagi ng bansa ang nabakunahan noong Abril 2016. Gumastos ang pamahalaan ng P3 billion sa kontrobersiyal na anti-dengue vaccine. May natitira pang P500 million sa pondo at nananatili ito sa DOH. Maaaring hindi na nga ito matuloy dahil sa kontrobersiyang nangyari.

Isa sa nakakagulat ay nang sabihin ng World Health Organization (WHO) na hindi nila inindorso ang Dengvaxia sa DOH. Ayon sa WHO, naisagawa na ang vaccination bago lumabas ang kanilang mga paalala kung dapat bang iintrodyus ang vaccine dahil may mga review ukol dito na posibleng panganib na kakaharapin. Nilinaw nila na hindi nila nirekomenda ang Dengvaxia.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on health sa kontrobersiyal na vaccine. Isang task force ang bubuuin ni Sen. Joseph Victor Ejercito, chairman ng komite para maim-bestigahan ang lahat ng anggulo sa Dengvaxia. Ang task force ayon sa senador ay bubuuin ng mga representative ng DOH, WHO, Philippine Medical Association, medical societies, academe at health experts.

Dapat lamang magkaroon ng imbestigasyon ukol dito. Hindi ito pangkaraniwang problema sapagkat sangkot ang mga bata. Malaking isipin ito sa mga magulang ng bata.

Dapat namang igiit ng DOH na ibalik ng Sanofi Pasteur ang bilyong pisong ibinayad sa kanila. Ang perang iyon ang dapat gamitin sakali’t magkaroon ng masamang kalagayan ang mga nabakunahan. Kawawa naman ang mga nabakunahan kung walang tutulong sa kanila. Kailangan namang malaman ng DOH ang lahat ng batang nabakunahan para madali silang maasistehan sakali’t magkaroon ng problema sa kalusugan.

comments powered by Disqus

mofuse.com