Mga na-Dengvaxia dapat habambuhay bantayan

SAPOL By Jarius Bondoc

LABING-APAT na namatay na bata ang kumpirmado ng Public Attorney’s Office na sanhi ng bakunang Dengvaxia. Tatlumpu lahat ang patay na isinangguni sa kanila ng Volunteers Against Crime and Corruption.

Ininiksiyunan ang 833,000 bata, edad-9-11, miski hindi pa tapos ang Phase 3 ng clinical trials. Tatlong taon pa lang ng anim na taong pagsusuri ng kaligtasan nang bilhin ng gobyerno ang 3 milyong bakuna nang P3.5 bilyon. Lumalabas na noon na kung hindi pa nagkaka-dengue ang binakunahan ay magkaka-malalang hemorrhagic fever at maaring mamatay ang bata. Para pala itong bakuna sa rabies o tetanus, na iniiniksiyon lang sa mga nakagat ng aso o nakatapak ng pako. Hindi pala ito pampaiwas-sakit kundi pampigil sa paglala ng nagkaroon na ng sakit. E hindi naman sinala ang 833,000 kung sino mismo ang nagka-dengue na o hindi pa. Ni hindi nga hiningan ng pahintulot ang mga magulang bago sapilitang bakunahan ang mga bata nu’ng Marso-Abril 2016, isang buwan bago ang pambansang halalan.

Sa Phase 3 ng trials ng Sanofi Pasteur, manufacturer ng Dengvaxia, anim na taon dapat bantayan ang mga “guinea pigs” na binakunahan. Kung gan’un anim na taon din dapat bantayan ang 833,000 na bata. Huwag nang sabihin ng gobyerno at Sanofi na isa o dalawa lang sa bawat sampung bata ang hindi pa nade-dengue bago bakunahan. E ni wala naman ni isa sa kanila ang pinag-blood test muna kung datihan na o hindi pa. Bukod pa sa kanila ang mga binakunahan nang maysakit o nilalagnat -- na hinding-hindi dapat ginagawa sa anomang bakuna.

Ni hindi lang anim na taon kundi habambuhay dapat ang pagbabantay, ani Dr. Susan Pineda Mercado, dating­ undersecretary of health at opisyal ng World Health Organization. Ngayon lang kasi lumabas ang Dengvaxia. Hindi pa alam kung gaano kalala ang masamang side effects nito.

Pero saan kukuha ng pondong pambantay habambuhay?

comments powered by Disqus

mofuse.com