EDITORYAL - Arya PDEA!

image

ILANG araw makaraang bumaba ang trust rating ni Pres. Rodrigo Duterte, ipinaubaya na niya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pamumuno sa kampanya laban sa illegal na droga. Binawalan na niya ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na makialam sa kampanya. Tanging ang PDEA na lamang ang magsasagawa ng drug operations sa buong bansa.

Bumaba ang trust rating ni Duterte sa latest SWS survey at iniuugnay ang mga pagpatay na kinasasangkutan ng mga pulis ukol sa drug operations. Hampas sa kalabaw sa kabayo ang latay.

Mula nang simulan ang kampanya laban sa illegal na droga noong nakaraang taon, marami nang napapatay at ayon sa mga witness, kahit na sumusuko na ang mga drug suspect ay binabaril pa rin ng mga pulis. Ilan ang nagsabi na napapagkamalan lamang ang mga biktima. Ayon pa sa mga kaanak ng biktima, nagsasagawa ng “tokhang” ang mga pulis at ilan sa mga nadadampot ay hindi naman talaga gumagamit o nagtutulak ng droga.

Kabilang sa mga napatay ay ang teenager na si Kian delos Santos mula sa Caloocan City na kahit nakaluhod na at nagmamakaawa umano ay binaril pa umano ng tatlong pulis. Unang nakunan ng CCTV ang pagdampot kay Kian at makaraan lamang ang ilang minuto ay natagpuan na itong patay. Pero ayon sa mga pulis, nakipagbarilan daw si Kian.

Napatay din ang mag-ama sa Pasay City na uma­no’y nanlaban. Pero sabi ng mga kaanak ng biktima, maayos na sumuko ang mag-ama at hindi nanlaban sa mga pulis.

Dahil sa operasyon ng PNP, ang mga nangyaya­ring pagpatay o extrajudicial killings (EJKs) ay na­isisisi kay Duterte at ito ang itinuturong dahilan kaya bumaba ang trust rating. Gayunman, hindi natitinag si Duterte at patuloy pa rin ang kampanya sa droga.

Malaking hamon naman sa PDEA ang iniatang sa kanila ni Duterte. Tama lang naman ito. Ito talaga ang trabaho nila. Sana, maging maayos ang kanilang kampanya laban sa illegal na droga. Ilagay sa tama ang lahat para hindi mabatikos. Kapag nagkamali sila, si Digong ang binibira. Ipakita na iba ang estilo nila sa PNP.

comments powered by Disqus

mofuse.com