3 ‘tulak’ tumba sa buy bust

By Ludy Bermudo

MANILA, Philippines — Tatlong lalaki na sangkot umano sa iligal na droga ang nasawi nang manlaban sa mga operatiba ng Manila Police District-Station 2 sa isinagawang buy bust operation  sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.

Kinilala ang mga nasa­wing suspek na  sina Rolando Campo, 60; Sherwin Vitas,  24, at isang alyas Kalbo pa­wang mga residente ng Sta. Barbara St., Tondo.

Sa inisyal na ulat ni SPO2 Bernardo Cayabyab ng MPD-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng hapon nang ma­ganap ang insidente sa Sta. Barbara St., sa Tondo.

Ikinasa ang operasyon kung saan nakabili naman ang poseur-buyer na si PO3 Ferdinand Concon ng shabu. Nakahalata umano ang mga suspek na pulis ang katran­saksiyon hanggang sa bumunot umano ng baril ang mga suspek. Nauwi sa putukan at nakisali ang dalawa pang kasamahan hanggang sa tatlo na silang bumulagta.

Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang tatlo na hindi na rin umabot ng buhay.

comments powered by Disqus

mofuse.com