Bangkay ng bebot, itinapon sa ilalim ng tulay

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae ang itinapon ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa ilalim ng isang tulay sa may Caloocan City malapit sa hangganan ng Bulacan, kamakalawa ng madaling araw.

Inilarawan ang biktima na nasa pagitan ng edad 17-25-anyos, hanggang balikat ang buhok, payat, may ‘surgical mask’ sa bibig, nakasuot ng itim na -tshirt, puting short pants, silver na hikaw, itim na tsinelas at may tattoo na krus sa kanang hita at ‘Jayson’ sa likod ng kanyang bewang.

Sa inisyal na ulat, dakong alas-5:30 ng madaling araw nang unang madiskubre ng isang residente ng Dahlia Street, Sampaguita Subdivision, Brgy. 175, Camarin, ang bangkay sa ilalim ng tulay.

Nagdya-jogging si Godofredo Tolido sa naturang lugar nang makita ang bangkay sa ibabaw ng tambak ng basura. Agad niya itong iniulat sa mga opisyal ng barangay na agad namang ipinaalam ito sa Police Community Precinct 5.

Sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng isang tama ng bala sa kanang bahagi ng ulo ang biktima na posibleng dahilan ng kamatayan niya. Dinala na ang bangkay sa Jade Funeral Services para isailalim sa otopsiya.

Nanawagan naman ang pulisya sa mga naghahanap ng kanilang nawawalang babaeng kaanak na kilalanin ang bangkay. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

comments powered by Disqus

mofuse.com