NBI sasabak na uli vs illegal drugs

By Doris Franche-Borja

MANILA, Philippines — Balik na uli sa operasyon kontra iligal na droga ang National Bureau of Investigation (NBI).

Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na kasabay ng kanyang inilabas na department order na nag-aatas sa NBI para muling magsagawa ng operasyon laban sa iligal na droga.

Ang kautusan ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong ang NBI at Philippine National Police (PNP) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga operasyon laban sa iligal na droga.

Kapansin-pansin aniya ang muling pagdami ng kaso ng iligal na droga kaya’t tama lamang umano ang desisyon ng pangulong Duterte.

Dagdag pa ni Aguirre, mas alam ng mga pulis ang lugar na kanilang nasasakupan na pasok ang iligal na droga kaya mas madaling matutukoy at masasawata ang operasyon nito at mahuhuli ang responsable.

Halos dalawang buwan din na nasuspindi ang mga anti-illegal drugs operation ng NBI matapos na iutos ni Pangulong Duterte noong Oktubre na ang PDEA na ang mangangasiwa ng lahat ng operasyon kontra droga.

comments powered by Disqus

mofuse.com