Illegal vendors sa Baclaran, winalis ng MMDA

By Lordeth B. Bonilla

MANILA, Philippines — Daang illegal sidewalk vendors ang binuwag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Taft Avenue-Baclaran area  sa Pasay City, kahapon.

Nabatid na si MMDA Chairman Danilo Lim ang namuno sa clearing operations at pagbuwag ng mga illegal sidewalk vendors na tumangging tanggalin ang kanilang mga stall na nakahambalang sa daraanan ng mga tao at mga sasakyan.

Sa kasagsagan ng clearing operation, ang ibang mga vendors ay halos mataranta sa pagsasara ng kanilang mga stall at ang ilan ay nagkusa namang buwagin ito.

Kaagad na ipinag-utos ni Lim sa kanyang mga tauhan ang pagbuwag sa lahat ng mga structure na nakahambalang sa kalye at bangketa at tiyaking hindi makakabalik ang mga vendors na kanilang binuwag.

“Many vendors opted to self-demolish but we men will be here to ensure vendors would not return,” sabi pa ni Lim.

Ilang vendors naman ang umapela kay Lim na ipagpaliban muna nito ang pagbuwag sa kanila at kung maari ay tapusin na lamang ang Christmas season na tinanggihan naman ng naturang MMDA chairman dahil mahigpit na kautusan aniya ito sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.

comments powered by Disqus

mofuse.com