MRT-3, 6 na tren lang ang bumiyahe, tumirik pa ang isa

By Mer Layson

MANILA, Philippines — Anim na tren lamang ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang bumiyahe kung saan tumirik pa ang isa na labis na ikinadismaya ng 800 pasahero na pinababa, kahapon ng umaga.

Ayon kay MRT 3 media relation officer Aly Alvarez, nagkaroon ng malfunction ang isang tren dahil sa electrical failure sa northbound ng Santolan-Annapolis station dakong alas-10:37 ng umaga.

Napilitang pababain ang may 800 pasahero ng tumirik na tren at pinaghintay ng kasunod na biyahe habang ang nasirang tren ay hinatak pabalik ng MRT-3 depot sa North Avenue, Quezon City para ayusin.

Muling humingi ng paumanhin si Alvarez sa mga pasahero ng MRT-3 na panibagong aberya na nangyari.

Aniya, bubuti rin ang serbisyo ng MRT-3 sa oras na dumating ang mga inangkat na mga bagong piyesa sa ibang bansa.

comments powered by Disqus

mofuse.com