Mag-live-in partner, todas sa tandem

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang mag-live-in partner makaraang tambangan at pagbabarilin ng riding in tandem,  kahapon ng tanghali sa Caloocan City.

Agad na nasawi dahil sa mga tinamong tama ng bala ng baril ang mga biktimang sina Elmer Escote, ng Phase 4 Package 5 Block 1 Lot 2 Brgy. 176 Brgy. Bagong Silang at ang 27-anyos na si Corazon Rubang Torres, naninirahan sa Bamban, Bocaue, Bulacan.

Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan sa dalawang salarin na agad na tumakas lulan ng motorsiklo.

Sa inisyal na ulat ng Ca­loocan City Police-North Extension Office, sakay ang mga biktima sa isang motorsiklo at binabagtas ang Susano Road sa Brgy. 12 Camarin nang harangin sila ng dalawang salarin mag-a-alas-12 ng tanghali.

Agad na pinagbabaril ng nakaangkas na lalaki si Escote at hindi rin pinalagpas si Torres na binistay din ng bala. Nang kapwa na­kabagsak na sa kalsada, pinagbabaril pa ng isa sa mga salarin ang dalawang biktima upang makatiyak na patay ang dalawa bago tuluyang tumakas.

Rumesponde naman sa insidente ang mga tauhan ng Police Community Precinct 5 at nagsagawa ng dragnet operation ngunit bigo na masakote ang mga salarin.  Kinalap na lamang ng mga imbestigador ang mga bala at slug na nakuha sa lugar ng krimen para isailalim sa ballistic tests habang ina­alam kung may nakunan ng closed circuit television camera ang pangyayari.

Bagama’t blangko pa sa motibo ng pamamaslang, nakatutok ang mga pulis sa teorya na posibleng love triangle ang anggulo sa pamamaslang.

comments powered by Disqus

mofuse.com