5 ‘tulak’ ayaw paawat, timbog

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Limang mga hinihinalang ‘tulak’ na walang pahinga sa iligal na gawain nitong Semana Santa ang nadakip sa buy-bust operation ng Pasay City Police nitong Linggo ng hapon.

Nakilala ang mga nadakip na sina Rico Faderon, 43, alyas Balot na siyang target ng operasyon; Isidro Hain, 23; Ric Paule, 53; Wazelle Wheller, 42, alyas Waze at Anthony Manuel, 49, pawang naninirahan sa Brgy. 177 Malibay ng nasabing lungsod.

Sa ulat, dakong alas-3:30 ng hapon nang ikasa ng Pasay City Police Station-Drug Enforcement Team ang buy bust operation at target na madakip si Faderon na nakatala sa ‘drug watch list’ ng pulisya.

Isang asset ang ginamit ng pulisya para bumili ng droga sa grupo ni Faderon. Nang magkaabutan ng droga at bayad, dito na sumulpot ang mga pulis at pinaligiran ang grupo ng mga suspek na hindi na nakapalag.

Nasa pitong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng P3,500 ang nakumpiska sa suspek at isang kalibre .9mm na baril maging ang P500 marked money na ginamit sa operasyon.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na sinasamantala ng grupo ni Fa­deron ang Semana Santa sa pagtutulak ng iligal na droga sa kanilang lugar kaya ikinasa ang operasyon.

Nahaharap ngayon ang lima sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang dagdag na illegal possession of firearms ang isinampa laban kay Faderon.

comments powered by Disqus

mofuse.com