Recall sa San Juan ‘di tatanggapin ni Mayor Guia

By Mer Layson

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni San Juan City Mayor Guia Gomez na hindi niya tatanggapin ang recall election na hinihiling ng kampo ni dating Vice Mayor Francis Zamora sa halip ay pinayuhan ito na maghintay na lamang sa susunod na taon o  2019 election.

Sa press conference na ipinatawag kahapon ng alkalde, sinabi nito na bababa lamang siya sa puwesto kapag natapos na ang kanyang termino sa June 30, 2019.

“I will not accept this recall and will allow my lawyers to challenge it legally and according to the right process” sabi ni Mayor Gomez.

Mariin pinabulaanan ni Mayor Gomez na siya ay hindi nagtatrabaho at nagtatago para hindi maisilbi sa kanya ang “notice of sufficiency” para sa recall election.

“Nag-file ako ng leave, mula noong Disyembre 4, 2017, ngunit nitong Enero 4, 2018 ay nagbalik-trabaho na ako, i need to undergo medical test that i will no longer discuss, but inspite of that nagtatrabaho po ako sa abot ng aking makakaya” pahayag pa ni Mayor Gomez.

Anang alkalde, nanahimik siya noong Disyembre at mi-nabuting hindi sumagot sa umano’y pagbatikos sa kanya ng kampo ni Zamora dahil iginalang at nirespeto niya ang pagdiriwang ng Pasko.

Aminado naman si Mayor Gomez na wala talaga siyang planong tanggapin ang ‘notice of sufficiency’ kahit pa magka-tagpo sila ng mga Comelec officers dahil kailangan pa muna niya itong ikonsulta sa kanyang abogado.

Aniya, hindi apektado ng recall petition ang kanyang trabaho dahil palagi niyang prayoridad ang mga mamamayan ng San Juan.

comments powered by Disqus

mofuse.com