Columbian ‘drug mule’ nasabat, pinurga

By Butch Quejada at Mer Layson

image

Ang nadakip na  Columbian ‘drug mule’ na si Alberto Quijano, 69, na nakuhang lunukin ang may 79 rubber pellets na naglalaman ng cocaine na nagkakahalaga ng P8.9 milyon.
 

p8.9-m Cocaine nilunok

MANILA, Philippines — Huli sa mga tauhan ng Phi­­­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Immigration (BI) ang isang dayuhang ‘drug mule’ na nakuhanan ng P8.9 milyong halaga ng cocaine na kanyang nilunok habang palabas sa Ninoy Aquino Inter­national Airport (NAIA), ka­ma­kalawa.

Kinilala ni PDEA-NCR Director Ismael Fajardo ang suspek na si Alberto Pedraza Quijano, 69, Columbian national. 

Inaresto si Quijano sa NAIA Terminal 3, kamakalawa ng gabi dahil sa ibinigay na impormas­yon ng US Homeland Security­ na magpupuslit ng droga sa bansa­ galing ng Brazil via Dubai.

Dinampot ng PDEA ang dayuhan nang mapansing balisa ito at nakita sa kanyang tiyan ang 79 rubber pellets ng droga nang isalang siya sa x-ray machine/examination.

Ayon kay Fajardo, umabot sa 24 na oras bago nag-umpi­sang ilabas ng dayuhan ang nilunok niyang rubber pellets sa Pasay General Hospital.

Sinasabing miyembro ng international drug syndicate si Quijano at modus niyang lunu­kin ang mga droga upang maipuslit ito sa bansa.

Nakakulong ngayon ang da­yuhan sa PDEA detention facility habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Inamin ni Quijano, nagawa lamang niyang maging drug mule dahil sa pangangailangan nito ng pera.

Nabatid na maraming beses nang pabalik-balik sa bansa si Quijano at ngayon lamang natiyempuhan na maaresto.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang PDEA para mabatid  kung sinu-sino ang mga kasabwat nito sa bansa.

comments powered by Disqus

mofuse.com