Crime drop box sa Quezon City, ‘di dapat katakutan - Joy B

By Angie dela cruz

MANILA, Philippines — Walang dapat alalahanin ang mga residente ng Quezon City sa crime drop box program na pinatutupad ng pamahalaang lungsod.

Ayon kay QC Vice Mayor Joy Belmonte, may mga protocol silang ipinatutupad upang pangalagaan ang kaligtasan at karapatang pantao ng sinuman. Ang mga pangalan aniya na nai-report sa drop boxes ay masusing binubusisi at pina-nanatiling confidential.

“We have addressed that, we  have protocols in place to make sure each name is adequately validated, we are not allowing this system to be abused,” dagdag pa ni Belmonte.

Noong nagdaang buwan ng Disyembre ay sinimulan ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC) na pinamumunuan ni Belmonte ang paglalagay ng mga crime drop boxes sa 142 barangay ng lungsod, sa ilang mga simbahan, at mga police stations upang labanan ang krimen.

Isang orihinal na proyekto ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang drop boxes na ito na  nag-uudyok sa mga residente na i-report ang mga pangalan ng mga hinihinalang drug pusher, user, at mga kriminal sa kanilang komunidad.

Nilinaw ni Belmonte na ang  mga drop boxes na ito ay  mga “suggestion boxes” ng mamamayan na hindi lamang nakatuon sa usapin sa  droga kundi pati na rin sa mga iregularidad at anomalyang nararanasan at nasasaksihan ng mga taga-Quezon City.

Anya, upang hindi ito maabuso ay bumuo sila ng isang multi-sectoral group na kabibilangan ng mga  kinatawan ng religious sector, barangay, non-government organizations, at pulisya.

comments powered by Disqus

mofuse.com