Riding in trio, huli sa droga

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Tiklo ang tatlong bagong drug personalities sa Caloocan City makaraang mahulihan ng iligal na droga matapos na unang masita sa checkpoint dahil sa hindi pagsusuot ng helmet habang sakay ng isang motorsiklo, kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang mga nadakip na sina Romel Raymundo, 45; Arnel Cabrestante, 35; at Ardee Velasco, 35, pawang mga naninirahan sa Brgy. 176 Bagong Silang.

Sa ulat ng pulisya, ala-1:30 ng madaling araw nang parahin ng mga tauhan ng Police Community Precinct 3 ang isang Rusi motorcycle sakay ang tatlong lalaki na pawang mga walang suot na helmet sa tapat ng Kalayaan High School sa may Phase 7  ng naturang barangay.

Ngunit sa halip na huminto, tinakasan ng mga suspek ang checkpoint na nagresulta ng habulan hanggang sa makorner sila sa may Phase 4 Package 7.  Nang kapkapan, dito nadiskubre ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng puting pulbos na hinihinalang shabu.

Nabatid na hindi nakatala ang mga suspek sa mga drug personalities sa lungsod.  Nahaharap ngayon ang tatlo sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

comments powered by Disqus

mofuse.com