Makati fire: Mag-ama patay

By Lordeth Bonilla

MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang mag-ama matapos itong ma-trap sa naganap na sunog sa Makati City kamakalawa ng gabi na umabot hanggang  kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mag-amang biktima na si Arnel Lam­bi­­no, 50 at ang anak nito na si Aries Lambino, 23, ng La­pan­da St., Brgy. Guadalupe Nuevo ng nabanggit na lungsod.

Sa report na natanggap ng Makati City Fire Department at Makati City Police,  alas-11:30 ng gabi nang su­miklab ang apoy mula sa ika­lawang palapag ng paupahang bahay ng isang Reggie Basco sa naturang lugar.

Kwento ng mga residente, mabilis na kumalat ang apoy  sa mga katabing kabahayan dahil yari ang mga ito sa light materials hanggang sa tuluyang bumagsak ang ikalawang palapag ng bahay nito.

Narinig pa nilang humi-hingi ng tulong ang mag-ama na hindi makalabas dahil sa mga grills sa bintana.

Ayon kay Makati Fire Marshal Supt. Roy Quisto, napag-alaman nilang walang supply ng kuryente ang bahay, kung kaya’t  isa sa tinitingnan  nila na naging sanhi ng sunog ay  ang napabayaang kandila.

Tinatayang aabot sa P100K ang kabuuang halaga ng mga ari-arian ang natupok.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na naapula bandang  ala-1:36 ng  mada-ling araw.

Matapos ang sunog ay dito na natagpuan  ang bangkay ni Arnel sa ikalawang palapag ng bahay habang sa unang palapag naman  nakita ang anak nitong  si Aries.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

comments powered by Disqus

mofuse.com