3 magkakaibigan minasaker sa inuman

By Mer Layson

MANILA, Philippines — Todas ang tatlong magkakaibigan matapos na sila ay pagbabarilin ng limang armadong lalaki habang masayang nag-iinuman sa Brgy. Sangandaan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga biktima na sina Charlie Roxas Jr., 37; Joel Inocencio, 38, driver ng Grab  at Jimbo Laroco, delivery boy.

Batay sa ulat ng QCPD, nabatid na dakong alas-11:30 ng gabi ay masayang nag-iinuman ang magkakaibigan sa harapan ng tahanan ni Roxas nang bigla na lang silang pagbabarilin ng limang suspek.

Sa salaysay sa pulisya ng testigong si Gloria Cabrillas, 42, bago ang krimen ay kasama pa siyang nag-iinuman ng mga biktima ngunit umalis lamang siya nang sunduin ng isa pang testigo na si Marilou Alforte, 53, isang manikyurista.

Habang naglalakad sa isang eskinita ay nagulat na lamang umano ang dalawang babae nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril hanggang sa makita umano nilang nagtatakbuhan ang limang di kilalang lalaki patungo sa kanilang direksyon.

Isa pa  sa mga suspek ang lumapit sa kanila at tinutukan sila ng baril at sinabihan silang dumapa, na sinunod naman nila, dahil sa takot na maging sila ay barilin nito.

Maya-maya ay nakarinig na aniya sila ng komosyon at nang matiyak na wala na ang mga suspek, ay inalam kung ano ang nangyari at dito nadiskubre ang pagpatay sa mga biktima.

comments powered by Disqus

mofuse.com