DOTr, ipinagmalaki ang ‘resureksyon’ ng MRT-3

By Mer Layson

MANILA, Philippines — Matapos ang mahabang bakasyon at pansamantalang pagtigil ng biyahe dahil sa Mahal na Araw ay ipinagmalaki kahapon ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang ‘resureksyon’ ng mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ayon sa DOTr, matagumpay na nakabiyahe ang 14 na tren ng MRT-3 kahapon matapos ang limang araw na annual general system maintenance.

Unang plano ng DOTr na magpatakbo ng 15 tren sa pagbabalik sa normal ng kanilang operasyon, ngunit dakong alas-5:45 ng madaling araw ay nasa 10-tren pa lamang ang bumibiyahe, na may headway na 9-minuto.

Unti-unti namang nadagdagan ang mga bumibiyaheng tren at pagsapit ng alas-6:00 ng umaga ay naging 11, at may headway na 8-minuto.

Dakong alas-7:00 ng umaga ay naging 12 tren na ang ope­ra­tional, na may headway na 7-minuto.

Pagsapit ng alas-8:00 ng umaga ay naiakyat pa ng DOTr sa 14 ang kanilang running trains na may 6.5 minutong headway na lang.

Ibinalita ng DOTr, ang matagumpay na pagkumpuni ng kanilang Maintenance Transition Team (MTT) sa 47 na Light  Rail Vehicles (LRVs), 2 spare cars at 15 train sets.

Unang isinagawa ang annual general system maintenance ng buong sistema ng linya ng tren mula Miyerkules Santo (Marso­ 28) hanggang kamakalawa, Easter Sunday (Marso 31).

Dati ay umaabot lamang sa anim hanggang walo ang kadalasang bumabiyaheng tren ng MRT-3 bunsod ng mga aberya sa unang bahagi ng taon, na dulot ng mga lumang piyesa. Bumili naman ng mga bagong spare parts ang DOTr para mapalitan ang mga siraing piyesa at mapabiyahe nang muli ang kanilang mga tren.

Bukod naman sa MRT-3, balik-operasyon na rin ang Lines 1 at 2 ng Light Rail Transit (LRT) simula kahapon habang bu­malik ang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) kama­kalawa, Easter Sunday.

comments powered by Disqus

mofuse.com