Mangingisda itinumba

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Isang mangingisda ang natagpuang patay nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin at saka itinapon sa gilid ng isang madilim na kalsada sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Isang karatula na may nakasulat na “Magnanakaw ako, wag tularan” ang natagpuan sa ibabaw ng bangkay ng biktimang si Bonifacio Bohol, 27, sumasaydlayn rin na tricycle driver at naninirahan sa Dalagang Bukid Street, Brgy. North Bay Boulevard South, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, nagla­lakad sa kahabaan ng Block 26, Area 1 ng naturang­ ba­ran­gay ang isang saksi da­kong alas-4 ng madaling­ araw upang bumili ng almu­sal nang mapansin ang bangkay ng lalaki sa gilid ng kalsada.

Agad na iniulat ito sa ka­nilang mga opisyal ng barangay na humingi ng responde sa pulisya.  Sa pagsusuri ng mga imbesti­gador, natagpuan ang karatula sa bangkay na may tama ng bala sa ulo. Wala namang nakitang basyo o slug ng bala sa lugar kaya hinihinalang sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lamang sa naturang kalsada.

Kinilala ang biktima ng mga kaanak niya na nagtu­ngo sa lugar. Itinanggi rin ng nakababatang kapatid na si Rose Ann na hindi magna­nakaw ang kanyang kuya at lalong hindi ito sangkot sa iligal na droga. Halos pinagsasabay umano ni Bohol ang pamamasada ng tricycle at pangi­ngisda sa kagustuhan na magkaroon ng marangal na trabaho at matustusan ang ka­nilang pamilya. 

Hindi naman itinanggi ni Rose Ann na mahilig uminom ng alak ang kanyang kapatid at madalas na napapaaway kapag nalalasing na.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at nirerebisa ang mga closed circuit television camera sa bisinidad sa pag-asang nahagip ng video ang mga taong may kagagawan ng krimen.

comments powered by Disqus

mofuse.com