Welder sa mga barko sa Navotas, kulang

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Nakakaranas ngayon ng kakulangan sa mga mahuhusay na ‘welder’ ang mga kumpanya ng barko sa Navotas City na plano ng pamahalaang lungsod na solusyunan sa pinalakas na ‘skills training’ sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa panayam ng PSN, sinabi kahapon ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na kulang na kulang ang mga ‘skilled worker’ hindi lang sa Navotas ngunit maging sa buong bansa. Sa Navotas, malaki umano ang kakulangan ngayon sa mga mahuhusay na ‘welder fitters’ para sa mga ‘shipping companies’ sa lungsod.

Kahapon, pinangunahan ni Tiangco kasama si Vice-Mayor Clint Geronimo ang ‘groundbreaking ceremony’ sa itatayong ikaapat at pinakamala-king ‘skill training center’ ng TESDA sa may C3 Road, Brgy. North Bay Boulevard South. May tatlong palapag ang gusali na may kabuuang 2,605 square meters at kayang maglaman ng higit sa 600 mag-aaral sa isang araw.

Bukod sa ‘shield metal arc welding’, kasama rin sa mga kurso na ibibigay sa mga mag-aaral ang ‘automotive servicing, electronic product assembly and servicing, electrical installation and maintenance, refrigerator and aircon servicing, contact center servicing, animation, visual gra-phics, at carpentry.

“Hindi totoong may kakulangan ng trabaho sa Pilipinas. Maraming kumpanya na naghahanap ng mga magtatrabaho, kaya lang hindi nagma-match ang kaalaman ng mga aplikante.  Nakausap natin ang mga taga-DPWH at mga contractors, kulang na kulang ng tao,” ayon kay Tiangco.

Nilinaw rin ng alkalde na libre ang pag-aaral sa kanilang training centers at uunahin muna ang mga residente ng kanilang lungsod upang magkaroon ng oportunidad sa mga trabaho.

comments powered by Disqus

mofuse.com