Trike driver, utas sa gulpi

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Patay ang isang tricycle driver dahil sa matinding bugbog na inabot sa isa namang tricycle operator dulot ng matinding galit sa pagtestigo umano ng biktima laban sa kanya sa isang kaso, kamaka-lawa ng gabi sa Caloocan City.

Isinugod sa Caloocan City Medical Center ngunit hindi na umabot ng buhay ang biktimang si Joseph Arcega, 52  residente ng Stotsenburg, Bukid, Monumento, ng naturang lungsod.  Nakilala naman ang suspek na si Abiger Cruz, 35, ng Lucia Street, Stotsenburg, ng naturan ding lungsod.

Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente alas-8 ng gabi sa pila ng tricycle sa may Florencia Street, 12th Ave­nue, Monumento, Caloocan.  Ayon sa saksing si Jerry Ra­mos, una siyang pinara ng suspek para magpahatid sa bus terminal ngunit tinanggihan niya ito.

Habang nasa pila ng tricycle, dumating si Cruz at ki­nompronta siya ukol sa hindi niya pagpara at pagpapasakay na iniwasan naman umano niya.  Dito naman pumagitna si Arcega at inawat ang suspek hanggang sa sila na ang magtalo na nauwi sa suntukan.

Naawat lamang ang suntukan nang dumating ang mga tanod ng Brgy. 71 na nagdala sa kanila sa barangay hall. Sa loob, bigla na lamang nawalan ng malay si Arcega na dali-daling isinugod sa CCMC kung saan idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa mga kaanak ni Arcega, dati na umanong may alitan ang dalawa nang tumestigo ang biktima sa isang kaso ng pagwawala ni Cruz sa kanilang lugar.  Nahaharap naman ngayon si Cruz sa kasong homicide.

comments powered by Disqus

mofuse.com