Sorpresaya truck ng ABS CBN, dinumog ng fans sa Bulacan at Pampanga

image

KathNiel

MANILA, Philippines — Sinorpresa ng Kapamilya stars sakay ng Sorpresaya Truck  ng ABS-CBN ang libo-libong fans sa Bulacan at Pampanga para magbigay ng saya at maghatid ng public service.

Sa halip na ang mga tagahanga ng ABS-CBN ang bumiyahe papuntang Metro Manila, ang mga Kapamilya stars ang nagpunta sa Pulilan, Mabalacat, Baliuag, Guiguinto, at Arayat para magkaroon sila ng mas makabuluhang bonding kasama ang kanilang fans.

Dinagsa ng 8,000 fans ang pagpunta ng Sorpresaya Truck sa Mabalacat, Pampanga kung saan malakas ang tilian nang magpakitang gilas sina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, at Richard Gutierrez.

Naging usap-usapan din ang Sorpresaya Truck sa Twitter. Umaapaw sa saya ang naramdaman ni Twitter user dahil sa pagkakataon na makita nang live ang kanyang mga idolo. Sabi ng isang user, “sulit yung 7hrs na pagtayo at pagtiis sa init.”

Bukod sa Kathniel at kay Richard Gutierrez, isang all-out dance performance ang ipinakita ng Hashtags, habang ilang maswerteng audience members naman ang nakapagtanong sa kanilang paboritong Kapamilya stars para mas makilala pa nila ang mga idolo.

Nakipag-bonding din ang stars ng The Good Son, Asintado, at Sana Da­lawa ang Puso Ko sa fans nila sa Pulilan at Guiguinto, Bulacan kung saan hinarana nila ang mga dumalo ng iba’t ibang kanta.

Masaya rin ang naging karanasan ng mga Kapamilya sa Arayat, Pampanga at Baliuag, Bulacan kung saan binisita sila ng cast ng Hanggang Saan, It’s Showtime Hashtags, Team YeY kids, at sina Kuya Jobert at Shine Kuk ng Banana Sundae.

Maliban sa hatid na saya, handog din ng Sorpresaya Truck ang iilang public service activities tulad ng job fair, livelihood program, storytelling sessions, at seminars tampok ang iba’t ibang topics kabilang na ang financial literacy, citizen journalism, at crime prevention.

Inilunsad noong 2017 ang Sorpresaya Truck ng Kapamilya network na pinangungunahan ng ABS-CBN TVplus na layunin na magbigay ng espesyal at hindi malilimutang Kapamilya experiences sa mga Pilipino.

Abangan ang susunod na Sorpresaya Truck event sa mas marami pang lugar.

comments powered by Disqus

mofuse.com