Coco alam na alam ang pinagdaraanan ng mga walang trabaho!

TAKE IT TAKE IT By Lolit Solis

Nakatanggap ako ng message mula kay Coco Martin na nagpapasalamat dahil sa Instagram post (@akosilolitsolis) ko tungkol sa kanya.

Sinabi ni Coco na siya talaga ang nagpo-post sa kanyang Instagram at wala siyang administrator.

Nagpasalamat ako kay Coco dahil nila-like niya ang mga IG post ko.

Ang sabi ko, salamat kay Coco Martin na nagla-like sa mga post ko. Joke ko nga sa sobrang busy ni Coco at baka si Biboy Arboleda ang nagla-like pero si Coco o Biboy man, proud ako at thankful na pina-follow nila mga kagagahan ko.

Naaliw ako sa sagot ni Coco na “Nay ako po talaga ito si Coco.

“Sobra ako natutuwa pag nababasa ko ang mga kwento ninyo sa mga picture kc sobra po ako tagahanga ng iba’t ibang artista po lalo na nu’ng bata po ako.

“Nay salamat po kc mabait po kayo sakin kahit isang beses lang po yata tayo nagkatagpo. Sana po ay lagi kayong mag ingat lalo na po ang inyong health,” ang sey ni Coco na isa sa mga aktor na love ko dahil kahit isang beses lang kami nag-meet, nababalitaan ang kabutihan at pagtulong niya sa mga kapwa artista na hindi active sa showbiz.

Blessing talaga si Coco dahil maraming artista ang nabibigyan niya ng trabaho. Mabuti na lang, extended hanggang sa 2018 ang Ang Probinsyano, ang teleserye ni Coco sa ABS-CBN dahil sure ako na madaragdagan pa ang mga artista na matutulungan niya.

Alam na alam ni Coco ang mga pinagdaraanan ng mga aktor at aktres na walang trabaho dahil matagal din bago nagbunga ang pagsisikap niya. Wish ko na lalong maging successful ang career ni Coco dahil sa rami ng kanyang mga natutulungan. Hindi siya maramot sa sharing ng mga blessing na natatanggap niya.

Nanette tuloy ang paggamit ng mga bote para makatulong

Agree ako sa obserbasyon na sa lahat ng mga gumanap na Darna sa pelikula, si Nanette Medved ang the best dahil sa achievements niya sa tunay na buhay.

Kahit biglang nagbago ang takbo ng showbiz career niya noong 1994, hindi ito naging sagabal para matupad ang dream ni Nanette na makapag-aral sa ibang bansa at magtapos ng kurso.

Happily-married na ngayon si Nanette at priority niya ang kanyang asawa at mga anak. Hindi na lumalabas si Nanette sa TV at pelikula pero active siya sa kanyang mga charity work.

Baby niya ang Hope in a Bottle, ang bottled water na tumutulong sa pagpapatayo ng mga classroom sa mga public school building. Sa bawat bote ng Hope in a Bottle na binibili ng mga consumer, 100 % ng profit ang ginagamit sa pagpapatayo ng mga classroom. Bongga ’di ba?

Ang vendo machine ng mga Hope in a Bottle shirts ang bagong pinagkakaabalahan ni Nanette. Again, ang mga estudyante ng mga public school ang makikinabang sa kikitain ng Hope in a Bottle shirts. Si Solenn Heussaff ang nag-design ng mga T-shirt  kaya plano ni Nanette na maglagay ng vendo machine sa GMA 7 compound dahil ang Kapuso actress ang celebrity endorser.

Papa Enrico parang si Coco Martin

Maraming salamat kay Papa Enrico Roque ng Bodega ng Bayan dahil para siyang si Coco Martin na marunong mag-share ng blessings at hindi nakakalimot.

Nagulat ako sa dalawang kaing ng mangga na ipinadala ni Papa Enrico sa bahay ko. Hindi ko talaga inaasahan na maaalala niya na padalhan ako ng napakasarap na mangga mula sa kanilang farm sa Bulacan.

Bihirang-bihira kami na magkita ni Papa Enrico kaya natutuwa ako dahil forever thoughtful siya. A million thanks to Papa Enrico.

comments powered by Disqus

mofuse.com