Aktres walang kupas ang kamalditahan kahit ipinakulong na sa mga madre!

UBOS By Cristy Fermin

Sinukuan pala ng kanyang pamilya ang sobrang katigasan ng ulo at pagiging pasaway ng isang sexy at magandang aktres nu’ng nagdadalaga na siya. Wala siyang pinakikinggan, sumasagot pa siya sa kanyang mga magulang, kaya may naisip na paraan ang kanyang pamilya para tumino siya.

Suko na kasi, as in taas na ang dalawang kamay ng kanyang ama’t ina, sa sobrang katigasan ng ulo ng aktres. Umuuwi siya mula sa eskuwelahan kung kailan niya lang gusto, siya ang nagmamando sa kanyang oras, hindi ang kanyang mga magulang.

Sabi ng aming source, “Madalas siyang grounded, hindi siya pinalalabas ng bahay nila dahil sa mga pinaggagagawa niyang kalokohan. Pero naiisahan ni ____(pangalan ng sexy at magandang aktres) ang parents niya, nakatatakas siya, dumadaan siya sa bintana.

“Mula sa bintana, tumatalon siya sa bubong, talagang may paka-Cynthia Luster ang babaeng ‘yun! Magaling siyang pumaraan. Natural, buking ang gimik niya, nahuhuli siya ng mommy niya!

“Nakakaloka ang pagiging pasaway ng babaeng ‘yun! Pero nakahanap ng paraan ang parents niya para hindi na sumakit ang kanilang ulo,” bitin na kuwento ng aming impormante.

Naghanap ng institusyon na mapagdadalhan sa kanya ang mga magulang ng aktres, nakakita naman sila, matagal na namalagi du’n ang babaeng personalidad.

“Dinala siya sa isang institution na mga madre ang namamahala. Hindi niya magawa ang kalokohan niya, maraming guard sa gate at sobrang taas ng bakod ng bakuran.

“Matagal siyang nag-stay du’n, sinubaybayan siya ng mga madre, hanggang sa nangako siya na hinding-hindi na niya susuwayin ang mga magulang niya.

“Hindi siya agad pinaniwalaan ng mga sisters, pinagtagal pa rin siya sa guwardiyadong institution, hanggang sa pumayag na rin ang mga magulang niya na pauwiin siya. Ganu’n siya katindi nu’n.

“At kahit naman nitong nag-artista na siya, e, kitang-kita pa rin ang pagiging pasaway niya, ‘di ba? Mismong kapatid nga niya, e, nakaya niyang siraan, ‘di ba? ‘Di ba? ‘Di ba?”

Ubos!

Piolo at Inigo nagpakitang pagmamahalan at respetuhan

Walang malisya ang video clip ng pagli-lips-to-lips ng mag-amang Piolo Pascual at Inigo kung tutuusin dahil magkadugo naman sila. Hindi lang naman sila ang mag-amang nagpaparamdam ng respeto at pagmamahal sa pamamagitan ng paghalik sa labi.

Kaya lang ay pinaglalaruan ang nasabing video clip, pinupuruhan ng mga malisyosong komento si Piolo, damay sa paghusga ang kanyang teenager na anak.

Lumutang na naman tuloy ang pangunguwestiyon sa gender ng guwapong aktor. Tumatanda na raw siya, pero hanggang ngayon ay puro press release lang naman ang plano niyang pagpapakasal, hindi raw naman kasi talaga handa si Piolo na lumagay sa tamihik.

Nang dahil lang ‘yun sa isang video clip na kung bakit kasi inilabas pa sa social media ay tanging ang mag-ama lang ang nakakaalam ng dahilan. Gusto lang siguro nilang ipakita sa publiko kung paano sila magmahalan at magrespetuhan.

Pero mas marami ang hindi sumang-ayon sa paglalabas ng video clip, sana raw ay pangkanila na lang ‘yun at hindi na ipinasilip pa sa social media, para naiwasan sana nila ang mga malisyosong paghusga sa kanila.

Wala na kasing safe ngayon sa social media. Kahit pa gaano kaganda ang motibo mo ay meron pa ring mga kokontra. Gagawin kang laruan, huhusgahan ka nang walang kalaban-laban, tulad ng paglalarong ginagawa ngayon sa social media sa mag-ama.

Sa ibang bansa ay hindi kuwestiyonable ang paghalik ng anak sa labi ng kanyang ama. Kahit sa harapan ng maraming tao ay ginagawa nila ang ganu’n na walang kamali-malisya para sa mga nakakakita.

May punto ang mga nagkokomento na sa ibang bansa ‘yun, kultura nila ‘yun, pero nasa Pilipinas ang mag-amang Piolo at Inigo ngayon.

Konserbatibo pa rin kasi ang ating lahi. Hindi pa tanggap dito ang pagli-lips-to-lips ng mag-ama bilang pagtatawid ng respeto, lalo na kapag teenager na ang anak, tulad ni Inigo.

Pero mas maganda nang makakita ng mag-amang nagrerespetuhan at nagmamahalan kesa sa mag-amang nag-aaway at nagsisinghalan.

comments powered by Disqus

mofuse.com