Manilyn magpapaka-martyr kay Gabby

image

Manilyn at Gabby

MANILA, Philippines — Ngayon Sabado (Pebrero 10) sa Magpakailanman, tunghayan ang kuwento ni Maris, ang martyr na asawa ni Edward.

Itinatampok sa episode na pinamagatang Mula Asawa hanggang Awa: A Married Woman’s Story, sina Manilyn Reynes bilang si Maris at Gabby Eigenmann bilang Edward. Makakasama rin sina Archie Alemania, Ashley Rivera, Lovely Abella, James Teng at Bryce Eusebio.

Masasabing maayos naman ang pamumuhay ng mag-asawang Maris at Edward kasama ang kanilang dalawang anak. Ngunit nagsimulang gumulo ang kanilang buhay nang pumasok sa eksena si Sandra na pinakilala ng kanyang mister na isang interior designer.

Noong una ay tinatanggi ni Edward na may relasyon sila. Hanggang sa napagdesisyunan na ni Maris na maghiwalay na lang sila.

Pumasok naman sa buhay ni Maris si Allen at hindi nagtagal ay ng nahulog ang loob niya rito. Sabi ni Allen ay ipaglaban na nila ang kanilang relasyon kung talagang mahal siya nito ngunit nahirapang magdesisyon si Maris dahil iniisip niya kasi ang sasabihin ng mga anak niya.

Samantala, na-stroke si Edward at iniwan ng kanyang kinakasama na si Sandra. Kasabay nito, hindi na nagpaparamdam si Allen kay Maris at nalaman niya na ikakasal na ito sa US. Nakiusap naman ang dalawang anak ni Maris na pabalikin na si Edward sa kanilang tahanan dahil wala nang ibang mag-aalaga sa ama.

Alamin ang kahihinatnan ng kanilang istorya na mula sa direksyon ni Dominic Zapata, panoorin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA7.

comments powered by Disqus

mofuse.com