Baste nakaakting kahit ‘di nakakabasa ng script!

ABOUT SHOWBIZ By Nitz Miralles

Nagbiro si Vic Sotto na malaking bonus ang tatanggapin ng mga kasama niya sa Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Meant To Beh dahil sa mga papuri sa kanya. Gaya na lang ni JC Santos na first time makatrabaho si Vic. Sabi nito, masuwerte siya dahil kahit one year pa lang siya sa showbiz ay nabigyan na siya ng chance to work with Vic at wish nito, maulit ang pagsasama nila sa pelikula.

Pero si Vic, si Baste ang mas pinuri dahil kahit first movie ito ng bagets, naibigay nito ang acting at emotion na hiningi sa kanya ni direk Chris Martinez.

Binanggit ni direk Chris na bukod sa mom niya, sina Vic, JC, Gabbi Garcia, at Dawn Zulueta ang nagsilbing acting coach ni Baste dahil sila ang madalas magkakaeksena.

“Wala kaming expectation kay Baste dahil nga five years old pa lang at hindi pa marunong magbasa. Sabi namin ni direk Chris, kahit magpa-cute na lang siya sa mga eksena niya. Kaya nagulat kami, hindi ko akalaing mapapaarte siya ni direk Chris. He knows what he’s doing, naintindihan niya ang eksena, kaya hindi nahirapan si direk Chris to direct him,” sabi ni Vic.

Nagpasalamat si Baste sa mga papuri sa kanya at panoorin daw ang Meant To Beh na showing na simula December 25.

Yul naalala pa rin ang pagiging boldstar

Kailangan lang palang pumasok sa pulitika ni Manila Cogressman Yul Servo para maalis ang pagiging mahiyain. ‘Yung dating one-liner na sagot niya ‘pag ini-interview ay humaba na rin. Ngayon, mahusay at mahaba nang magsalita si Yul at isa siya sa nasa pulitika na marami ang nagawa.

Sinusunod nito ang Build Build Build program ni Pres. Rody Duterte. Sa rami ng infrastructure project, mahihiya ang ibang matagal na sa pulitika at mabibilang ang mga project para sa kanyang constituents. Si Yul, may pang-barangay at pang-buong distrito na proyekto.

Maraming throwback moment sa pa-Christmas Party nito at ng Productions 56 Artists ni director Maryo J. Delos Reyes. Naalala ni Yul na “boldstar” ang tawag sa kanya dati dahil lumalabas siya sa mga sexy magazine. Naalala rin nito at sinusunod up to now ang bilin sa kanya ng manager na si direk Maryo na kung papasok sa pulitika, ‘wag siyang mangungurakot.

Yasmien rape victim uli

Rape victim uli ang role ni Yasmien Kurdi sa bagong afternoon soap ng GMA 7 na Hindi Ko Kayang Iwan Ka. Ito na ang pinaka-challenging na pagganap niya sa role ng isang rape victim dahil mahahawa siya ng HIV ng kanyang rapist.

“Isa sa magandang maibibigay ng soap ay ang iparating sa tao na magkaiba ang HIV at AIDS at kung paano nata-transfer from one person to another ang HIV. Isa pang malalaman by watching Hindi Ko…, hindi lang ito sakit ng adults, hindi lang panlalake at hindi lang sa mga beki. Ang daming information na mase-share ang show,” sabi ni Yasmien.

comments powered by Disqus

mofuse.com