Male personality araw-gabing nakabantay sa kanilang ilaw!

UBOS By Cristy Fermin

Ilang kasambahay na ng isang pamosong male personality ang umalis sa kanyang poder. Nagpaalam ang mga ito na uuwi na muna sa kanilang probinsiya pero ang totoo ay lilipat lang pala ng kanilang paglilinkurang pamilya.

Ang mga kuwento tungkol sa pribadong buhay ng mga artista ay karaniwang nagmumula sa mga driver, alalay, kasambahay at iba pang mga naglilingkod sa kanila.

‘Yun na nga ang naganap, ang mga umalis na kasambahay ng male personality ang nagkukuwento tungkol sa kanyang sob­rang kakuriputan at katipiran, sobrang higpit daw sa bahay ng kanilang among lalaki.

Kuwento ng a­ming source, “Sob­ra naman pala ka­sing kakaiba ang male personality na ‘yun! Dahil sa sobra niyang pagtitipid, e, pinapapatay niya ang mga ilaw sa buong bahay. Bubuksan lang daw dapat ‘yun kapag kailangan.

“Pati ang refrigerator kapag walang laman na mga pagkain, ipinatatanggal din niya sa saksakan, dahil malakas daw kumonsumo ‘yun ng kuryente. Naloloka ang mga kasambahay ng aktor!

“Madilim kuno ang buong kabahayan sa araw, sa gabi naman, e, piling-piling lugar lang ang naiilawan, para makatipid daw sila sa kuryente. Sabi nga ng isang umalis niyang kasambahay, e, nagkakabanggaan daw sila kung minsan ng mga kasamahan niya dahil ang dilim-dilim nga!

“Nakakaloka! Ganu’n pala talaga kakuring ang lalaking ‘yun! Talagang iniikutan pa niya ang bahay nila para ma-check lang niya ang mga ilaw na nakabukas,” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Umalis na rin pala ang kanilang cook. Hirap na hirap na raw kasi itong mag-budget sa ibinibigay na pamalengke ng kanyang pinaglilingkuran. Maliit lang ang kanyang pang-marketing pero milagro ang hinahanap ng kanyang mga bossing.

“Kulang na lang siguro, e, bumili na rin ng kiluhan-timbangan ang male personality para malaman niya kung tama ang bigat ng mga binibili ng cook nila. Madalas kasi siyang naghahanap, tanong siya nang tanong kung bakit daw ang bilis maubos ng mga pagkain nila?

“E, ilan ba silang kumakain, ang dami-dami nila sa bahay, tapos, pagdududahan pa ang namamalengke ng mga kinakain nila? Ayun, umalis na si manang, nahihirapan na kasi siyang mag-budget!

“Araw-gabing nagtitipid ang male personality, araw-gabi niyang tinututukan kung nakabukas ang kanilang mga ilaw, pinapatay niya ‘yun, ayaw niyang lumaki ang babayaran niyang electric bill,” nagtatawang pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

‘Di pa nga nalu-launch Libro ni Mark kailangan na agad ng reprint?!

image

Sa sobrang pagkakontrobersiyal ng promo ng isinulat na libro ng magaling na singer-actor na si Mark Bautista, mukhang sa unang araw pa lang ng paglabas nu’n sa merkado ay kailangan na niyang magpa-reprint ng kopya, kahit sinong makausap namin ay gustong magkaroon ng sipi ng libro.

Sobrang excited na ang mga kababa­yan natin na makakuha ng kopya ng libro para hindi na sila nanghuhula kung sino ang kaibigan niyang lalaki na nakasama niya sa paglipad sa kaligayahan nu’ng minsang malasing sila.

‘Yun kasi ang pinakamalaking imbitas­yon para maging mabenta ang libro ng singer, ang Beyond The Mark, na pinagkukuwentuhan na ngayon kahit saan. Bidang-bida ang blind item sa mga chikahan. Sino nga ba ang kaibigan n­iyang aktor na hiniwalayan ng girlfriend nang malaman nito ang naganap sa kanilang dalawa?

Kuwento ng isang kaibigan naming kilalang pulitiko, “Grabe ang impact ng book ni Mark Bautista! Alam mo bang habang nagmi-meeting kami ng buong staff ko, e, ‘yun ang pinag-uusapan? Nag­huhulaan sila kung sino ang sinasa­bing male friend niya na nakaanuhan niya nu’ng malasing silang da­lawa.

“May mga narinig akong names, pero sa akin na lang ‘yun! Kung si Mark nga, e, hindi naman yata pinangalanan kung sino ang male personality na ‘yun, ako pa ba ang magbabanggit ng pangalan kung sino ‘yun?” humahalakhak na kuwento ng kaibigan naming politician.

Oo nga naman. Wala namang binanggit na pangalan ng male personality ang magaling na singer-actor, nagkuwento lang naman siya tungkol sa kanilang pinagsaluhan nu’ng minsang makainom sila, blind item naman ang kanyang atake sa libro.

Abangan na lang natin ang paglabas ng Beyond The Mark, kahit patagilid pa ang pagkasulat ni Mark Bautista ay siguradong may alam tayong kuwento ng nakaraan, hindi man natin kumpletong mabasa ‘yun sa libro ay ang utak na natin ang bubuhay sa pagkatao ng tinutukoy niyang male friend.

Ngayon pa nga lang ay may nabubuo nang pangalan sa ating isip, pero mas maganda pa ring mabasa natin ang libro, para may hawak tayong resibo.

comments powered by Disqus

mofuse.com