Aktres nagpa-alila sa abroad kaya nakaligtas sa mga kaso ng mister

UBOS By Cristy Fermin

Ilang kababayan natin ang nakakita sa isang magandang female personality na matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa isang malamig na bansa. Kinailangang umalis ng aktres nu’n kahit ayaw niya dahil siguradong madadamay ang kanyang pangalan sa ginawang kabalbalan ng kanyang karelasyon.

Nagtiwala siya sa isang taong hindi pa niya lubusang kilala, nakipagrelasyon siya, hanggang sa magpakasal na siya sa businessman. Du’n na nagsimula ang indulto sa kanyang buhay.

Kuwento ng aming source, “Nakakaawa pala ang girl na ‘yun, kahit ayaw niyang iwan ang family niya, e, napilitan siya, dahil kung hindi, siguradong kaliwa’t kanang kaso ang haharapin niya.

“Maraming sabit ang husband niya, kalat-kalat ang utang, pati ang mga naipundar niyang properties nu’ng dalaga pa siya, e, natunaw lahat nang dahil sa taong ‘yun!

“Ang nakakaloka pa, e, nadiskubre niya na ‘yung house and lot pala niyang nabili nu’ng marami pa siyang pelikula, e, tatlo hanggang apat na beses na naisasangla ng husband niya sa iba-ibang tao!

“Magaling talaga ‘yung lalaki, magaling magsalita, neengganyo niya ang mga kakilala niya sa mga pinagsasabi niyang business na wala naman talaga. Nakakakuha siya ng mga investors sa mga bogus lang namang negosyo.

“Du’n na siya nag-isip. Baka isang araw, e, habul-habulin na ang mister niya dahil sa kung anu-anong kalokohang ginagawa. Nagsumbong siya sa isang ninong nilang may mataas na position sa military, ‘yun ang tumulong sa kanya para makaalis nang mabilisan,” kuwento ng aming impormante

Kung anu-anong trabaho ang pinasok ng aktres nu’ng nasa ibang bansa na siya. Nakitira rin siya sa mga kaibigang nakikisimpatya sa kinahinatnan niya. Naging miserable ang buhay niya nu’ng mga unang buwan.

“Nag-caregiver pa nga siya, naalagaan niya ang lolo ng friend ko. Nakakalungkot ang kinauwian ng mga sakripisyo niya. Napalayo siya sa family niya na hinding-hindi niya pinababayaan, lalo na ang mommy niya.

“Pang-opisina na ang work niya ngayon, maganda na ang position niya, hindi na siya nakakaawa. Buti na lang at naisipan niyang umalis, wala naman kasi siyang kasalanan sa ginawa ng mister niya, tama ‘yun!

“Inuulit ko, tama ‘yun!” pagbibigay pa ng clue ng aming source sa kanyang pagtatapos habang napapailing.

Ubos!

Sen. Bong hindi nalimutan ang kabaitan ni Alden

Ang malakas na pakpak na nagtutulak paitaas kay Alden Richards ay ang mga papuring tinatanggap niya mula sa mga taong pinakikisamahan at pinakikiharapan niya nang maayos.

Wala kaming narinig na artistang hindi masaya sa magandang kapalarang hawak ngayon ng Pambansang Bae. Maging ang mga beteranong aktor na dati niyang nakakasama sa mga serye at pelikula ay maligaya para sa singer-actor.

Sabi ni Senador Bong Revilla nu’ng minsan kaming magkakuwentuhan sa PNP Custodial Center, “Nakakatuwa ang mga nangyayari kay Alden. Mabait kasi ang bata, walang kayabang-yabang, trabaho lang siya nang trabaho.

“Nu’ng maging artista namin siya sa Ang Panday, e, sumasabay lang siya sa service ng production. Sabi ko sa staff, paunahin na si Alden, bigyan ng ibang service, nang makauwi siya agad at makapagpahinga.

“Ayaw niya naman, hihintayin na lang daw niya ang service ng mga crew. Matagal ang ipinaghihintay niya dahil nagbabaklas pa sila ng mga kable, pero okey lang sa kanya, nagtitiis lang siya.

“Kaya ngayong sikat na sikat na siya at gumanda nang husto ang career niya, we’re so happy for him. Talagang ganyan ang magiging kapalaran niya, mabait kasi siya, masipag at marespeto,” kuwento ni Senador Bong.

Dito man o sa ibang bansa ay puro papuri rin ang ipinatutungkol ng ating mga kababayan kay Alden. Mabait siyang makitungo sa mga fans, hindi maramot sa pakiusap ng mga Pinoy na makasama siya sa picture, at ang pinakamagandang paglalarawan kay Alden Richards ay wala siyang kayabang-yabang at palaging nakangiti.

Hindi kailangan ni Alden ng saklay, kaya niyang mamayagpag nang mag-isa lang, matibay na ang pundasyon ng kanyang career kaya ang sarili lang niya ang kalaban niya at hinding-hindi ibang tao.

comments powered by Disqus

mofuse.com