Multi-awarded actress pinupuyat at ginugutom ang mga taga-ayos niya

UBOS By Cristy Fermin

image

Coco at Vice

Parang mga ibong nakadapo sa sanga sa pagpupulasan-paglipad ang mga empleyado ng isang parlor kapag dumarating na ang isang kilalang female personality. Alanganin ang oras kapag dumarating siya, gabing-gabi na, kaya umiiwas sa kanya ang mga gumagawa sa shop.

E, kung magpagawa pa naman siya ay overhaul talaga kumbaga sa sasakyan, mula ulo hanggang paa, kaya inaabot sila du’n nang hanggang madaling-araw na.

Nakakalokang kuwento ng isang source, “Maga­ling siyang umarte, walang question du’n, pero may sarili siyang mundo! Wala siyang ka-PR-PR, sarili lang niya ang kinakausap niya.

“Kung bakit naman kasi napakahaba ng maghapon, pero kung kailan magsasara na ang parlor, e, saka naman siya dumarating. Nahihiya lang ang owner na hindi siya papasukin dahil matagal na siyang client ng shop.

“Nakakaawa ang mga gumagawa sa kanya mula sa pagha-hot oil, manicure-pedicure, pagpapakulay ng hair at kung anu-ano pang kaechosan. Halos madu­ling na ang mga ‘yun pero kahit pandesal, e, hindi man lang siya magpabili para may nangunguya naman ang mga taong dapat, e, nakauwi na pero ginagawa pa rin siya.

“Wala siyang pakialam, sleep lang siya nang sleep, kapag naaalimpungatan siya, e, naiinis pa, dahil ang tagal-tagal daw naman niyang matapos. Siya pa ang may ganang magalit, hindi man lang niya alalahanin na ang mga gumagawa sa kanya, e, bibiyahe pa pauwi sa ganu’ng oras!

“Nakakotse siya, ang mga tauhan ng parlor, e, mamamasahero lang, malalagay pa sa alanganin ang buhay nila. Nakakaloka ang beteranang aktres na ‘yun!” kuwento ng impormante.

Maraming parlor na ang pinanggalingan ng veteran actress, naiinis siya dahil ayaw na siyang gawin ng mga operators du’n kapag dumarating siya nang gabing-gabi na, kaya naghanap na naman siya ng ibang shop na pahihirapan.

“Heto pa. Super-kuring pala ang magaling na aktres, pati sukli niyang sensilyo, e, binibilang-bilang pa talaga niya. E, ‘yun ba ang klaseng magbibigay ng tip sa mga gumagawa sa kanya? Waley! Umuuwing luhaan ang mga taong pinupuyat niya sa pagkulkol sa mga kamay at paa niya.

“E, sa mga pinanggalingan niyang parlor, e, maldita ang mga beki! Kapag dumarating na siya, e, kani-kanyang iwasan ang mga bakla! Malakas ang boses nilang sasabihin, ‘Naku, wishing na, dyina bale, uuwi na lang ako kesa sa gawin pa siya! Dyina, wiz na!

“Nakakalukring ang mga beking ‘yun! Multi-awarded actress, iniiwasan nila!” humahalakhak na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Coco hindi pa rin daw maka-move on sa pagkatalo kay Vice

Maraming nagtatanong sa amin kung gaano katotoo ang kuwento na may malaking tampo raw si Coco Martin sa Star Cinema-ABS-CBN dahil mas pinaboran ng network sa promo ang pelikula ni Vice Ganda sa Metro Manila Film Festival (MMFF) kesa sa Ang Panday.

Pareho lang silang kontratadong artista ng istasyon, pero naramdaman daw ng magaling na action star ang pagkiling sa promo ng network sa proyekto ni Vice, kaya malaki ang tampo niya ngayon sa kumpanya.

Nasubaybayan namin ang promo ng kanilang mga pelikula pero wala kaming napansin na pinabayaan ng Dos ang pelikula ni Coco. Malaking bentahe lang ni Vice Ganda ang pagkakaroon nito ng daily show, ang It’s Showtime, napakagandang venue nu’n para sa pang-iimbitang panoorin ang kanyang Revengers Squad.

Entertainment show ang kay Vice, malakas man ang Ang Probinsyano ay hindi naman puwedeng mang-imbita sa kanyang serye si Coco, ‘yun lang ang nakikita naming malaking advantage ni Vice sa kanya.

Pero pareho lang silang nagpakasipag habang ipono-promote ang kanilang mga pelikula sa MMFF, ginalugad nina Coco at Vice ang maraming probinsiya para sa kanilang imbitasyon, pinasok din nila ang mga palengke para ipaalam sa mga kababayan natin na maganda ang pelikula nila sa festival.

At ang pinakamaganda ay ang mga proyekto nila ang pinaniniwalaang nanguna at pumangalawa sa MMFF, parehong tinangkilik ng publiko ang mga pinaghirapan nilang trabaho, kaya kailangan na lang sigurong tanggapin ni Coco Martin ang katotohanan na sa anumang labanan ay may nakauungos sa kanyang mga kasabay.

Unang pagtatangka ni Coco Martin sa pagdidirek ang Ang Panday, pinagbidahan pa niya ang pelikula, kaya hindi na masama kung pumangalawa man siya kay Vice Ganda na ilang taon nang sumasali sa MMFF.

comments powered by Disqus

mofuse.com