Buhay ng local Santa Claus nasa Magpakailanman

MANILA, Philippines — Ngayong Sabado sa Magpakailanman, bibig­yang buhay ni Super Tekla ang makulay na kuwento ni Batik, ang Santa Claus ng Tarlac City.

Itinatampok din sa episode na pinamagatang Batik: Ang Santa Claus ng Tarlac sina Ms. Chan­da Romero, Gladys Reyes, Odette Khan, Zymic Jaranilla, Diva Montelaba, at Arjan Jimenez.

Bata pa lamang ay isa nang mapagmahal na anak at kapatid si Batik. Mahilig siyang magpatawa at magpasaya ng iba, l alo na sa kan­yang mga kapatid. Su­balit sa kabila nito, hindi siya nakaramdaman ng pagma­mahal mula sa kanyang sa­riling ina. Madalas siya nitong saktan at kahit anong gawin niya para mapalapit dito ay lalo lang siya nitong itina­taboy palayo. Dahil dito, naisipang lisanin ni Batik ang kanilang tahanan.

Sa lansangan ay matututo siyang kumayod para buhayin ang sarili. Ngunit hindi magtatagal ay makakatagpo siya ng isang tao na babago sa kanyang buhay at magtuturo sa kanya kung paano ang pagtulong sa iba ay maaaring makagamot ng anumang sugat mayroon ang puso ng tao.

Kaya naman, sakay ng kanyang kolong-kolong na naglalaman ng sako-sakong mga regalo, sinimulan ni Batik na magpasaya ng mga bata sa kanilang lugar tuwing Pasko bilang si Santa Claus.

Pero magagamot nga ba ng saya at ngiti mula sa mga bata ang sugat ng kanyang kahapon? At ngayong isa na siyang ama, ano kaya ang ka­kaharapin niyang mga problema na susubok naman sa kakayahan niya bilang isang magulang?

Mula sa direksyon ni Rechi del Carmen, huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado ng gabi pagkatapos ng Pepito Mana­loto sa GMA 7.

comments powered by Disqus

mofuse.com