Aktres dumamay pa, asawa ni Sunshine bugbog-sarado sa mister ng ‘GF!’

PIK PAK BOOM By Sol Gorgonio

PIK: Kitang-kita ang kilig kay Ruru Madrid nang sabihin namin sa kanya na marami sa followers niya ang kinikilig sa kuha nila ng Asia’s Next Top Model Maureen Wroblewitz.

Bagay din pala sila ni Maureen kung mag-partner sila. Aminado si Ruru na crush na crush niya si Maureen. Halos lahat nga na post ng 19-year-old model ay nila-like niya at may comment talaga siya.

“Nag-uusap naman po kami through Instagram. Masarap kasi ‘yung mga food na ipinu-post niya.

“Pero feeling ko po ‘yung mga ganung tipong babae mahirap din. I’m sure busy siya at focused siya sa kanyang mode­ling career. Sabi niya one year lang daw siyang magpo-focus sa ganun, but then, why not kung darating ‘yung araw na papasok siya sa showbiz,” saad ni Ruru.

Mukhang pinaghiwalay na kasi sina Gabbi Garcia at Ruru dahil ka­sa­ma ang huli sa part two ng Alyas Robin Hood na wala si Gabbi. Hindi pa raw alam ni Ruru kung ano ang plano ng GMA 7, dahil ang mga boss daw ang masusunod. “Siyem­pre, nakaka-sad pa rin sa part naming dalawa bilang magka-loveteam dahil for the past three years kaming dalawa lang ang magkasama. Si­guro, it’s time na rin para matuto kami kung paano namin i-handle ang sarili namin. Hindi lang ‘yung GabRu loveteam. Pero ayoko lang magsalita ng tapos,” pahayag ni Ruru.

PAK: Bukod sa mga kilalang pulitiko, si Christian Bautista ang isa sa sumuporta sa book launch ng librong Living Better with Lupus na isa sa mga sumulat ay si Cong. Emmeline Villar.

Dumalo si Christian sa book launch nito na ginanap sa Ruby Jacks sa City of Dreams kama­kalawa ng gabi para kumanta at magbigay ng suporta sa mga taong dumadaan sa ganitong karamdaman.

May kaibigan kasi si Christian na may sakit na Lupus at nakikita raw niya kung paano ito nahirapan, pero luma­laban. “Nakikita mo sa kanya na kahit na­pa­pagod siya, she’s not letting Lupus interfere with her life or with her circles or with her friends. Kami naman ay nandiyan kami lagi para suportahan siya,” paha­yag ng Kapuso balladeer.

May mga kilalang international celebrities din na may sakit na Lupus, at hindi lang daw nila alam kung meron dito sa atin. Pahayag naman ni Cong. Villar, “Right now, I don’t know of any celebrity in the Philippines who has Lupus, sana wala.

“Pero in the international scene, we have Selena Gomez, Toni Braxton also has Lupus, si Seal has Lupus. The scar on his face is a manifestation of Lupus.

Lady Gaga who has been experiencing some symptoms of Lupus.

“Actually, a lot of people have Lupus although as said earlier, we don’t have the exact number of those who has Lupus in the Philippines, but worldwide it’s around 5 million.”

Inaasahan ni Cong. Villar at ng ilan pa niyang kasamang nagsulat ng libro na kahit paano ay magkaroon ng awareness ang lahat tungkol sa karamdamang ito.

Balak din nilang maglabas ng Tagalog na version ng libro na parang komiks para maiparating daw ito sa lahat lalo na sa mga mahihirap para malaman nila ang tungkol sa sakit na ito at kung paano nila ito labanan.

BOOM: Nabalita na ang tungkol sa nangyaring gulo sa Gerrys Grill sa Quezon City noong Biyernes ng gabi kung saan nagpang-abot ang estranged husband ni Sunshine Dizon na si Timothy Tan at si Robert Sison, ang asawa ni Clarisma Sison na pinagbibintangang nakarelasyon umano ni Timothy.

Nagkasuntukan sila sa comfort room ng natu­  rang bar, at napagtulungan daw si Timothy.

Magkaiba sila ng statement nang magpa-blotter sa police headquarters. Pero ang ending, si Timothy pa ang ipinakulong gayung siya na nga raw ang pinagtulungan nina Robert.

May isang direktor pa raw na involved na pinagbantaan si Timothy na ipatutumba ito.

Nasa hospital ngayon si Timothy at paglabas niya ay ilalahad niya ang lahat ng nangyari. Pero natatakot daw ito dahil ang latest namang nabalitaan namin, gusto siyang ilabas ng mga pulis sa hospital para ibalik sa kulungan o kung kinakailangang ilipat daw ng hospital. Natatakot si Timothy sa kalagayan niya ngayon dahil mukhang may balak sa kanya ang grupo ni Robert Sison, at hindi niya alam kung kasabwat din ba ang mga pulis.

Ayon sa aming source, isa rin daw sa dumamay kay Timothy si Sunshine. Naging magkaibigan naman ang dalawa at nakarating sa aming halos hindi raw makatulog ang Kapuso actress sa pag-monitor kung kumusta na ang kalagayan ni Timothy.

comments powered by Disqus

mofuse.com