Moira pinakaunang OPM singer na nag-no. 1 sa Spotify

MANILA, Philippines — Mula sa kanyang matagumpay na pagsali sa Himig Handog 2017, nanguna naman si Moira dela Torre sa Philippines Top 50 charts ng sikat na digital music service na Spotify para sa kanyang winning song na Titibo-Tibo.

Ayon sa announcement na inilabas ng Spotify noong Lunes, si Moira ay opisyal nang nasa ikaunang spot sa Top 50 charts sa bansa (Pinoy Chart-Toppers), at dahil dito, siya ang pinakaunang OPM ar­tist na nagkamit ng nasabing tagumpay. Ayon pa sa nasabing music streaming site, isinama rin siya nito sa kanilang Top Hits PH playlist + cover feature.

Ang feel-good song na Titibo-Tibo, mula sa composer nito na kinilalang Himig Handog grand winner na si Libertine Amistoso, ay ang unang awiting OPM na nanguna sa Philippines Top 50 ng Spotify na dati ay nasosolo lamang ng mga awiting banyaga.

Bukod sa kanyang tagumpay sa Himig Handog, ang 24-year-old musician ay unti-unti na ngang nakikilala sa larangan ng musika dahil kamakailan ay gumawa rin siya ng kanyang bersyon ng Torete ng Moonstar 88, at ito ay naging theme song ng pelikulang Love You To The Stars and Back ng Star Cinema. Siya rin ang umawit ng Malaya na ginamit namang theme song sa pelikulang Camp Sawi noong 2016.

Inaabangan na rin ang paglabas ng kanyang solo album mula sa Star Music na inaasahang ilulunsad sa susunod na taon.

comments powered by Disqus

mofuse.com