Shaina asawa na lang ang kulang, nalipatan na ang bagong bahay!

SANGA-SANGANDILA By Veronica R. Samio

image

Shaina

Isang malaking challenge para kay Shaina Magdayao ang gumanap ng kontrabida sa isang tele­serye na Asintado. Ayaw sana niya dahil hindi niya alam kung ano ang gagawin. First time niyang gaganap sa isang offbeat role, pero hindi siya nakahindi dahil sa sobrang ganda nito.

Natuto na ang nakababatang kapatid ni Vina Morales na i-embrace lahat ng magagandang pangyayari sa kanyang buhay. Nakalipat na siya sa bago niyang bahay. Nawala na ang unang ina­kala niya na calling sa pagmamadre. Napagtanto niya na maaari pa rin naman siyang makapagbigay ng serbisyo para sa Panginoon kahit hindi siya nakaabito.

Sa pagtatayo ng Smile Cares Foundation ay la­yunin niyang makapagbigay ng supplemental learning opportunities sa mga kabataan. Nakipag-team up pa siya sa Yes Pinoy Foundation ni Dingdong Dantes para makapagpatayo ng isang eco camp sa Siargao at maisulong ang layunin nila pareho ng aktor.

Maging ang karera ni Shaina ay patuloy sa pagtatagumpay. Bukod sa pagsubok niyang maging kontrabida, gugulatin niya ang lahat sa gagawin niyang pagkanta sa Ang Panahon ng Halimaw. Isa itong musical ni Lav Diaz na buong tapang niyang tinanggap ang role na kinailangan niyang kumanta sa kabuuan ng pelikula. Sa Malaysia pa kinunan ang musical film na bale tribute niya sa kanyang ama.

“Ang father ko ang talagang nagtulak sa akin para kumanta. Siya talaga ang singer sa family,” anang magandang aktres.

May isa pa siyang movie na kinunan sa Singapore, this time ang kasama naman niya ay si Charo Santos. Ito ang Enrico’s Farm na nakasali sa Singapore Film Festival.

Andre at Kobe sabay umaarangkada ang career

Suwerte ng Paras brothers na sina Andre at Kobe na parehong lumalaki ang fan base. Ang maganda sa magkapatid, bagaman at pareho silang magaling na basketbolista, hindi sila magkakompetisyon. Nakatuon pa rin ang pansin ni Andre sa kanyang trabaho sa showbiz at si Kobe naman ay patuloy na gumagawa ng malaking pangalan sa larangan ng basketball.

Zaijian tinulungang makapag-aral ng mga madre

Bibigyang buhay ni Zaijian Jaranilla ang kuwento ng isang lalaking pipiliting iahon ang kanyang malaking pamilya sa kahirapan ngayong Sabado (Jan. 13) sa Maalaala Mo Kaya.

Kahit salat sa buhay, mataas pa ring ang pangarap ni Freddie (Zaijian) na makatapos ng pag-aaral at maging isang guro. Ngunit bilang bunso sa 12 na magkakapatid, alam niyang magiging mahirap ito para sa kanya lalo pa at may dalawa siyang kuyang may kapansanan.

Sa tulong ng mga madre sa isang boystown sa Marikina, nakapag-aral si Freddie nang libre. Hindi rin naman siya pinabayaan ng pamilya, lalo na ang kuyang si Elo (JC Santos) na namunong mag-ambag para sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ngunit nang matapos siya ng high school, aminado na ang pamilya niyang hindi na siya matutulungan pa. Lalo pang lumala ang sitwasyon ng kanyang pamilya nang mamatay si Elo sa sakit sa kidney.

Paano kaya nalampasan ni Freddie ang hamong ito? Paano nakayang ibalik ni Freddie ang itinulong ng pamilya sa kanya?

Makakasama sa upcoming episode sina Amy Austria, Enzo Pineda, Cris Villonco, Ma­ritess Joaquin, Marco Masa, Brace Arquiza, Jimboy Martin, Mitch Naco at Kamille Filoteo.

comments powered by Disqus

mofuse.com