Misis inutas ng mister na senglot

By Joy Cantos

MANILA, Philippines - Patay ang 46-anyos na misis matapos itong saksakin ng sariling mister na senglot sa harapan ng dalagitang anak sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Camandag, La Castellana, Negros Occidental kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Jenny Legaspi habang pinaghahanap naman ang suspek na si Juanito Legaspi, 50. Sa ulat ni P/Supt. Gilbert Gorero, regional police spokesman na naisumite sa Camp Crame, naitala ang krimen sa bahay ng mag-asawa sa Sitio Odiong dakong alas-11:50 ng gabi. Nabatid na nasa impluwensya ng alak ang suspek nang umuwi kung saan binulabog ang kanyang mag-ina na natutulog. Dahil dito ay magising ang mag-ina kung saan sumiklab ang pagtatalo ng mag-asawa na nauwi sa pananaksak ng suspek sa harap ng kanilang anak. Tinakot naman ng suspek ang 13-anyos nilang anak na dalagita na papatayin din kapag humingi ng saklolo sa mga kapitbahay.

comments powered by Disqus

mofuse.com