Magsasaka dinedo dahil walang mapulutan

By Raymund Catindig

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Kamatayan ang sinapit  ng  40-anyos na magsasaka na nakipag-inuman matapos itong saksakin ng kaibigang barangay tanod dahil sa kawalan nang mapulutan sa Barangay Villa, bayan ng Sta. Teresita, Cagayan kamakalawa. Sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. Aleeh Bacuyag, hepe ng Sta. Teresita police station, natagpuang naliligo sa sariling dugo ang biktimang si Melchor Bilag na dumayong makipag-inuman mula sa Barangay Dungeg sa bahay ng suspek na si Jorly Asuncion, 45.
 Lumalabas sa imbestigasyon na bumili pa ng alak at itinuloy ng dalawa ang inuman matapos magsipag-uwian na ang iba nilang katropa dakong alas-8 ng gabi.
 Gayunman, sumiklab ang pagtatalo ng dalawa dahil walang may gustong umiskor ng pulutan na nauwi sa pananaksak ni Asuncion kay Bilag na napuruhan sa dibdib.
 Maluha-luhang sumuko si Asuncion kay Bacuyag dala ang ginamit na patalim sa pagpatay at inaming nagawa ang krimen dahil sa sobrang kalasingan.

comments powered by Disqus

mofuse.com