ABC prexy sakote sa anti-drug operation

By Joy Cantos

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng pulisya  ang pangulo ng Association of Barangay Chairman sa inilatag na anti-drug operation ng pulisya sa Barangay Babangonan,bayan ng Victoria, Oriental Mindoro kamakalawa.

Pormal na kinasuhan ng pulisya ang suspek na si Amando de Sagun Orbeta, ABC president sa nasabing bayan.

Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, nasakote ang suspek sa anti-drug operation dakong alas-4:15 ng hapon.

Napag-alamang nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa modus operandi ng suspek sa talamak na pagtutulak ng droga sa nasabing lugar.

Hindi na nakapalag ang suspek matapos na posasan ng mga awtoridad sa aktong iniaabot ang droga sa poseur- buyer na pulis.

Nakumpiska sa suspek ang 12 plastic sachet na shabu at P30,000 cash na sinasabing mula sa pinagbentahan nito sa droga.

Isinailalim na sa kustodiya ng Regional Provincial Drug Enforcement Unit  ang suspek kaugnay ng pagsasampa ng kasong kriminal.

comments powered by Disqus

mofuse.com