2-anyos pinatay sa gulpe ng amain, tiyuhin

By Joy Cantos

MANILA, Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng 2-anyos na nene matapos itong pagtulungang gulpihin at pakainin pa ng sibuyas ng kaniyang amain at tiyuhin sa Biñan City, Laguna, ayon sa opisyal kahapon.

Kinilala ang biktima na si April  Capadocia Valanag na binawian ng buhay dahil sa internal hemorrhage sa tinamong matitinding palo at suntok sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Arestado naman ang mga suspek na sina Artsi delos Santos, amain ng bata; at Harvey Capadocia, tiyuhin ng bata.

Ayon kay P/Supt. Reydante Ariza, hepe ng Biñan City Police Station, naganap ang insidente sa bahay ng pamilya Valanag sa Almeda Subdivision, Barangay dela Paz dakong alas-3 ng hapon.

Kamakalawa lamang ini-report sa mga awtoridad ng ina ng bata matapos itong mamatay sa pagamutan.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, nakulitan umano ang mga suspek sa bata na umano’y umiiyak kaya pinagtulu­ngan nila itong bugbugin.

Hindi pa nakuntento dahil sa ayaw tumigil sa kaiiyak  ay pinakain pa ito ng sibuyas ng dalawa na sinasabing lango sa droga.

Nabatid na nasa trabaho ang ina ng bata nang maganap ang brutal na krimen.

Nagawa pang maisugod ang biktima nitong linggo sa pagamutan pero matapos ang ilang oras ay tuluyan na rin itong bumigay.

Sa presinto, nagturuan naman ang dalawa kung sino ang responsable sa krimen.

Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang dalawang suspek na kapwa humihimas na ng rehas na bakal.

comments powered by Disqus

mofuse.com