3 sundalo nasabugan ng IED

By Rhoderick Beñez

NORTH COTABATO  , Philippines  — Sugatan ang tatlong sundalo nang masabugan ng improvised explosive device (IED) na umano’y pinasabog ng hindi matukoy na bilang na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Cawayan, Quezon, Bukidnon, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang mga suga­tan na sina Cpl Rendon, Pfc Marquez at Pvt. Villanueva na pawang  nakabase sa 88th IB, Philippine Army sa nasabing lalawigan.

Ayon kay 4th ID spokesperson 1Lt. Tere Ingente na bumibisita ang kanilang tropa para sana sa ilulun­sad na community support program (CPS) nang ma­sabugan ng IED.

Agad namang naitaboy ng mga sundalo ang mga rebelde at naisugod ang mga sugatang kasamahan sa pinakamalapit na pagamutan sa probinsya.

Hindi naman makumpirma ng militar kung mayroong nasawi o nasugatan mula sa panig ng mga tumakas na rebelde pagkatapos ng engkuwentro sa lugar.

Ang tropa ng 88th IB ay ang pinakabagong tropa na binuo ng sandatahang lakas ng Pilipinas upang dagdag puwersa sa 4th ID para tuluyang malipol ang panggugulo ng mga rebelde sa Northern Mindanao.

comments powered by Disqus

mofuse.com