Motor vs PUJ: 2 todas

By Boy S. Cruz

MANILA, Philippines — Patay ang dalawang la­laki na pinaniniwaalang la­ngo sa alak nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na pampasaherong jeepney sa kahabaan ng kalsada sa Brgy. Sto. Cristo sa San Jose Del Monte City, Bulacan Linggo ng hapon. 

Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang driver ng motorsiklo na si Mark Joseph Amora habang nalagutan naman ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa ibang pagamutan ang backrider nito na si Christian Tibos, kapwa nasa hustong gulang at mga residente ng Brgy.Vastra sa Lungsod ng Quezon.  Kusa namang sumuko sa pulisya ang driver ng jeepney na si Joefil Edrial nasa hustong gulang, residente ng Brgy. San Mateo sa bayan ng Norzagaray.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Christopher Vicente dakong alas 2:41 ng hapon nang maganap ang salpukan ng motor (walang plaka) at jeepney (PWM-295) sa kahabaan ng Igay Road sa Brgy. Sto. Cristo na kapwa bumabaybay sa magkabilang direksyon.

Nag-overtake umano ang motorsiklo sa sasak­yang nasa harap nito at nang sakupin na nito ang kabilang linya ay dito na dumating at bumulaga sa kanila ang pampasaherong jeepney.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon pa ng ilang metro ang mga biktima na naging dahilan upang magtamo ng sugat sa ulo at katawan saka isinugod sa ospital subalit kapwa rin nasawi.

comments powered by Disqus

mofuse.com