8 turistang Koreano nilooban sa hotel

By Romeo “Boy” Cruz

BULACAN, Philippines — Walong tu­ristang Koreano ang disma­yado sa kanilang bakasyon sa bansa makaraang pagnakawan ng mga hindi kila­lang kalalakihan sa tinutuluyang Club Royale Hotel and Resort sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Mabolo, Malolos City, Bulacan noong Biyernes ng gabi.

Dumulog sa himpilan ng pulisya ang mga biktimang sina Kim Sea Won, Kanh hae In, Choi Yeon Ju, Kang Jeon Eun, Park Si Woong, Kim Min Seong, Park Jun Wan, at si Lee Gyu Ho.

Ayon kay PO3 Darwin Bautista, nag check-in ang mga biktima sa Club Royale Hotel and Resort kung saan inukupahan ang mga room 201, 203 at 208 saka umalis patungo sa kilalang shopping mall.

Gayunman, ilang oras ay muling bumalik ang mga biktima sa nasabing hotel subalit nadismaya ang mga ito nang makitang bukas na ang mga pintuan ng kani-kanilang silid saka, nagkalat ang mga personal na gamit.

Umaabot sa milyong halaga ng cash at personal na gamit kabilang ang mga mamahaling cellphone ang nilimas ng mga kawatan.

Ayon sa pulisya, hindi gumagana ang closed-circuit television camera ng nasabing hotel at walang nakatalagang security guard.

Sinisilip naman ng pulisya ang sabwatan ng ilang kawani ng nasabing hotel at kawatan sa naganap na insidente.

comments powered by Disqus

mofuse.com