Berdugo ng Abu sumuko

By Joy Cantos

MANILA, Philippines — Kusang sumuko sa tropa ng Philippine Marine Corps (PMC) ang isang tinaguriang executioner o berdugo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Brgy. Tuyang, Talipao, Sulu kamakalawa.

Kinilala ni Captain Rowena Dalmacio, director ng PMC Public Affairs Office ang sumurender na bandido na si Aldimar Tahil, 20, taong gulang, taga-Brgy. Mahala, ng naturang probinsya.

Ayon kay Dalmacio, si Tahil ay sumurender sa Marine Battalion Landing Team (MBLT) 1 sa Brgy. Tuyang, Talipao, Sulu.

Isiniwalat ni Tahil na marami pa sa kanyang mga kasamahan mula sa grupo ni Berham Lutian ang nais ng sumuko sa tropa ng militar upang makapagbagumbuhay.

Isinuko rin ni Tahil ang kaniyang 9 MM submachine gun “UZI’ kung saan agad naman itong isinailalim sa medical check-up at custodial debriefing.

Nabatid na si Tahil ay miyembro ng ASG simula pa noong 2014, at ginawang tagapagbantay sa mga hostage ng mga bandido at isa ring mensahero ng mga kidnappers.

Bukod dito ay sangkot din sa pamumugot ng ulo ng mga hostages at ng kanilang mga kasamahang tumatalikod sa ektremistang paniniwala ang grupo na kinabibilangan ni Tahil.

Kasalukuyan nang sumasailalim sa masusing tactical interrogation ang sumukong Abu Sayyaf member.

comments powered by Disqus

mofuse.com