34 nalunod sa Kuwaresma

By Joy Cantos

5 pa nawawala

MANILA, Philippines — Umaabot na sa 34 katao ang naitalang nasawi sa pagkalunod sa iba’t-ibang lugar sa bansa partikular sa mga probinsya kung saan dumagsa ang mga bakasyunista nitong nagdaang Semana Santa ayon sa pinagsama-samang ulat ng mga opisyal kahapon.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao na 34 ang naireport sa kanilang tanggapan na nasawi sa pagkalunod habang lima naman ang naitalang mis­sing mula sa sampung rehiyon sa bansa mula Marso 23 sa hanggang Abril 2.

Kabilang dito ay isa sa Region 1, anim sa Region 2, tatlo sa Region VIII; sampu sa CALABARZON, isa sa Region IV B (Min­doro, Marinduque, Romblon, Palawan), apat sa Region V, isa sa Region VI, isa sa Region VII, dalawa sa Region XI at tatlo naman sa CARAGA Region.

Ang ika-32  biktima na kinilalang si Esnawi Tausan, 21-anyos ng Banisilan, North Cotabato na nalunod sa marshland area bunga ng kalasingan, ay iniulat naman ni ARMM Regional Director Graciano Mijares.

Samantala, ang ika-33 biktima na kasalukuyan pang kinikilala ay inireport naman ni Rear Admiral Rene Medina, Commander ng Naval Forces Western Mindanao. Ang bangkay ay nakita sa pagitan ng karagatan ng Coco Lanhil at Sibago Islands sa Basilan noong Marso 31.

Inihayag pa ni Bulalacao na lima pa ang naitalang missing sa ilang rehiyon at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga biktima. Kabilang dito ay dalawa sa Region VI.

Isa naman ang nasawi sa trahedya ng paglubog ng bangka sa Sebaste, Antique na naitala ng PRO 6 noong Huwebes Santo na kinasangkutan ng grupo ng aktres na si Bianca Manalo at ng boyfriend nito na si Pandan, Antique Mayor Jonathan Tan.

Sa kasalukuyan, habang patuloy pa ang summer vacation, pinayuhan naman ni Bulalacao ang mga bakasyunista na isagawa ang kaukulang pag-iingat upang makaiwas sa trahedya.

comments powered by Disqus

mofuse.com