P20-M ari-arian sinunog

By Raymund Catindig

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Umaabot sa P20 milyong halaga ng heavy equipment ang sinunog ng mga hindi kilalang kalalakihan sa construction site sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya kamakalawa ng gabi. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt Leumar Abugan, Nueva Vizcaya police director, kabilang sa mga sinunog na gamit ay ang water tank, backhoe at dump truck ang naabo kung saan isinasagawa ang 4.7 kilometro road concreting project ng Delta Earthmoving Construction sa mga Barangay Escoting, San Pablo at sa Barangay Arwas. Ayon sa police report, bago maganap ang insidente ay namataan ang magsyotang sakay ng motorsiklo na umaaligid sa nasabing lugar. Ang dalawa rin ang pinaniniwalaang nag-iwan ng dalawang galon ng gasolina sa Barangay San Pablo. Nagbanta rin ang isang kawani ng construction company na susunugin ang mga gamit ng kompanya sa hindi pa natukoy na dahilan.

comments powered by Disqus

mofuse.com