Konsehal dedo sa ambush

By Joy Cantos

image

Nakahandusay at tigmak sa sarili niyang dugo ang konsehal ng Guihulngan City na si Paulo Edison dela Rita Sr. matapos siyang tambangan ng ‘di natukoy na riding-in-tandem kahapon ng umaga. Photo courtesy of Guihulngan PNP

MANILA, Philippines — Bumulagta noon din ang isang konsehal matapos siyang pagbabarilin ng ‘di natukoy na riding-in-tandem habang lulan ng kanyang motorsiklo naganap sa Guihulngan City, Negros Oriental kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na nasawi noon din bunsod ng mga tinamong tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na si Paulo Edison dela Rita Sr, incumbent na konsehal sa Guihulngan City ng lalawigan.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, nangyari ang krimen sa Brgy. Poblacion ng lungsod na ito bandang alas-7:35 ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo na bumabagtas sa kahabaan ng katimugang direksyon ng national highway nang pagsapit sa isang lugar ay agad na pinagbabaril ng nakaabang na riding-in-tandem.

Nabigo naman ang ilang testigo na kilalanin ang da­lawang salarin dahil kapwa nakasuot ang mga ito ng helmet at  naka-jacket.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PRO 7 Director P/Chief Supt. Robert Quenery ang hot pursuit operation laban sa mga nagsitakas na salarin.

Nabatid na ang biktima ay minsan na ring naging biktima ng pananambang noong Hulyo ng nakalipas na taon pero masuwerte itong nakaligtas.

comments powered by Disqus

mofuse.com