Paslit na mag-utol natusta sa sunog

By Cristina Timbang

Cavite, Philippines — Nakapanlulumo ang sinapit na kamatayan ng isang paslit na magkapatid nang makulong ang mga ito at matusta sa nasusunog nilang tahahan makaraan umanong tumumba ang nakasinding kandila, kahapon ng madaling araw sa Brgy. San Nicolas II, Bacoor, Cavite. 

Kinilala ang halos ‘di na makilalang magkapatid na sina “Anna   Mae”, 6-anyos, kindergarten at kapatid nito na si  “Armando”, 4 na taong gulang, kapwa residente ng Aragon Compound, ng naturang lugar. 

Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang biglang sumiklab ang apoy sa bahay ng mga biktima. 

Sanhi umano ito ng nakasinding kandila na tumumba na mabilis kumalat sa buong kabahayan kung saan mahimbing na natutulog ang magkapatid.

Dahil sa makapal na usok na mabilis na kumalat sa kabahayan ay na-suffocate ang magkapatid dahilan upang hindi na makalabas ang mga ito at kasamang natupok sa nasabing sunog.

Tumagal ng may mahigit sa 1 oras bago pa naapula ng mga rumespondeng bumbero ang nasabing sunog.

comments powered by Disqus

mofuse.com