11 katao nalunod sa Semana Santa

By Raymund Catindig

TUGUEGARAO CITY,  Cagayan  , Philippines  — May 11 katao ang naitalang nalunod mga lalawigan Isabela,  Cagayan, Ilocos Sur,  La Union at Abra nitong nagdaang pagdaraos ng Semana Santa.


Limang biktima ang naitala ng Isabela Police Office na kinabibilangan nina John Mark Caba­lungan 15, Rexy Tumbaga, 21, at Nicole Zara, 9, ng magkakasunod na bayan ng Reina Mercedes, Angadanan at Cabatuan na nalunod noong Sabado sa gitna ng kanilang family picnic. 


Naitala ring nalunod noong Biyernes Santo sina Virgilio Ordonio sa Roxas at Cesar Dictado, 9, na nasawi sa Brgy. Turod, Quezon. 
Nalunod naman sa isang beach sa Sta. Ana, Cagayan si Kent Santos, 23, habang patay din si Rowel Trinidad, 23, na sumisid sa underground lagoon sa loob ng Duba cave sa Baggao, Cagayan. 
Nasawi sa ilog sa San Juan, Abra si Cheska Bulda, 11, at sa isang beach naman sa Caba, La Union si Ronald Ramos, 54.
Sa Ilocos Sur nalunod sina Ryan Jay Galanto, 23 at Jomar Molina, 33, sa magkahiwalay na beach sa Brgy. Darapidap, Candon City at Brgy. Calongbayan, Santa.
Samantala masuwerteng ibinalik ng malakas na alon sa pampang si lola Corazon Quedado, 62, na lumusong at lumubog sa Villamar beach sa Caoayan, Ilocos Sur. 
Nailigtas ang lola ng mga doktor sa Gabriela Silang Hospital sa Vigan City.

comments powered by Disqus

mofuse.com