Mt. Mayon pumutok

By Jorge Hallare

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagbuga ng makapal at tone-toneladang abo ang Mt. Mayon na bumagsak sa libu-libong residente sa mga bayan na nasa paligid ng bulkan sa lalawigan ng Albay matapos itong pumutok kahapon ng hapon.

Kinumpirma ni Phivolcs resident volcanologist Eduardo Laguerta na nagkaroon ng phreatic explosion dakong alas-5:08 ng hapon ang bulkan subalit hindi nila namonitor ang taas ng ibinugang abo dahil sa kapal ng ulap at pag-ulan.

Gayunman, mara­ming residente ang natakot makaraang maramdaman ang sunud-sunod na pag­lindol sa paligid ng bulkan kung saan sumabay ang bagsak ng abo sa ulan sa mga barangay sa paligid ng bundok partikular sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig.

Agad nagpalabas ng advisory number 1 ang PDRRMC sa pangunguna ni Gov. Al Francis Bichara na nag-uutos ng ‘No human activity sa paligid ng bulkan at agarang evacuation sa loob ng 6-kilometer danger zone lalo na sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Daraga, Sto. Domingo, Malilipot at ilang barangay sa Ligao City at Tabaco City.

Ayon kay Danny Garcia, tagapagsalita ng gobernador, ibinigay na ni Bichara ang desisyon sa mga alkalde ng nasabing bayan sa paglilikas sa kanilang residente at pa­ngangailangan ng libong mga evacuees.

Inamin ni Laguerta, na hindi nila agad nakumpirma ang nangyaring phreatic explosion kung saan inilagay muna nila sa volcanic activity status ang bulkan dahil sa kulang ang namonitor na parameters sa paligid ng bundok.

Nabatid na ilang ka­gamitan ang nilimas ng mga hindi kilalang kalala­kihan makaraang looban ang obserbatory station sa Barangay Lidong sa bayan ng Sto. Domingo noong nakalipas na Lunes.

comments powered by Disqus

mofuse.com