Ginagawang kalsada pinasabog, obrero dedo

By Joy Cantos

MANILA, Philippines — Isang obrero ang nasawi makaraang masapol ng bomba sa blasting ope­rations kaugnay sa ginagawang konstruksyon ng “farm to market road” sa Luba, Abra nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Jason Evaresto, 22, na idineklarang dead-on-arrival sa Candon Ge­neral Hospital sa Candon City, Ilocos Sur sanhi ng matitinding sugat na tinamo sa pagsabog.

Sa ulat ng Cordillera Police, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente habang ginagawa ang konstruksyon ng Poblacion Gayaman farm-to-market road partikular sa bisinidad ng Caba creek sa Sitio Caba, Brgy. Gayaman ng bayang ito.

Sa imbestigasyon, nag-warning umano ang kontraktor na si Murphy Valdos ng Nestor Construction firm sa kanilang mga trabahador na umalis muna sa bisinidad ng Caba Creek sa Brgy. Gayunman dahil gagamitan nila ito ng pampasabog kaugnay ng ginagawang kalsada sa lugar.

Sumunod naman ang mga obrero pero lingid sa kanilang kaalaman ay naiwan ang biktima sa lugar kung saan minalas siyang masapol ng pagsabog na malubha nitong ikinasugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Unang isinugod ang biktima sa Gayaman Health Center at dahil sa malubha nitong kalagayan ay inilipat siya sa Candon General Hospital sa Candon City pero idineklarang patay.

comments powered by Disqus

mofuse.com